P1.1B halaga ng liquid shabu nakumpiska sa isang raid sa Pampanga


TINATAYANG P1.1 bilyong halaga ng liquid shabu ang nakumpiska kaninang umaga ng mga miyembro ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Angeles police mula sa isang laboratoryo sa isang subdivision sa Angeles City, Pampanga.

Natagpuan ang kemikal na nakalagay sa 45 galon sa isang bahay sa Don Vicente st. sa Villa Dolores sa Barangay Santo Domingo matapos aprubahan ng isang korte ang search warrant ganap na alas-9 ng umaga, ayon kay Gladys Rosales, PDEA chief sa Central Luzon.

Ang bahay ay pag-aari ng isang abogado at minsang nirentahan ng isang kilalang aktor.

Nirentahan ang bahay dalawang buwan na ang nakakaraan sa isang lalaki na nakilala lamang bilang Chang.

Pinaghahanap na ng mga pulis ang limang suspek, kasama na ang tatlong Taiwanaes.

Wala ang mga ito nang hinalughog ang bahay.

Selyado ang bahay, dahil na rin sa tindi ng amoy ng mga kemikal na nakapukaw ng atensyon mula sa mga kapitbahay.

Idinagdag ni Rosales na konting proseso na lamang at malapit nang maging shabu ang mga kemikal.

Natagpuan din ng mga otoridad ang isang makina na ginagamit sa paggawa ng shabu.

Ito na ang ikalawang laboratoryo ng shabu na natagpuan sa Angeles City.

Noong Marso 16, nakumpiska ng mga ahente ng PDEA ang isang makina na maaaring makagawa ng 10 hanggang 15 kilo ng shabu araw-araw mula sa isang bahay sa Clover st. sa Timog subdivision. Narekober din nila ang pinaghihinalaang sodium hydroxide,

Mula 2014, dalawang laboratoryo na ang nadiskubre sa Central Luzon. Nakakumpiska ng tinatayang P4 bilyong halaga ng shabu sa isang pribadong warehouse sa Greenville Subdivision sa San Fernando City, Pampanga.

Nadiskubre naman ang ikalawang laboratoryo sa isang kooperatiba ng mga magsasaka sa isang bayan sa Tarlac.

Read more...