Sinabi ng isang civic leader na tumutulong sa mga “whistleblower” na umano’y naging parte ng manipulasyon ng eleksiyon sa Quezon na maging si President-elect Rodrigo Duterte ay nabawasan ng 200,000 boto.
Sa isang panayam sa Radyo Inquirer, sinabi ni Council for Philippine Affairs (Copa) secretary general Pastor “Boy” Saycon Jr. na sinabi sa kanya ng isa sa mga testigo na kumuha sila ng 200,000 boto ni Duterte.
“Yung kay Duterte nga, napakalaki ng mandatong ibinigay sa kaniya. Sinubukan nilang galawin. Sa Quezon, tinanong ko yung tao. [Ang sabi], ‘Ginalaw rin. Nabawasan po ng 200,000 votes kay Digong.’ Sabi ko, sinubukan pala talaga. Isipin mo nabawasan na, ganon pa rin ang lamang,” sabi ni Saycon.
Bukod kay Duterte, sinabi ni Saycon na apektado rin sa manipulasyon ng mga balota ang boto ng ilang kandidato sa pagka-senador at maging mga party-list groups.
“Sa senador, lahat po nagalaw [ang boto]. At ang mga naapektuhan po ay yung mga non-Liberal [Party]. Lahat ginalaw, pati nga party-list” ayon pa kay Saycon.
Idinagdag ni Saycon na mas maraming testigo ang gustong lumantad para patunayan na totoo ang operasyon na naglalayong dayaan ang eleksiyon para paboran sina dating Interior secretar Mar Roxas at kapoproklamang si Vice President-elect Maria Leonor “Leni” Robredo.
“Meron nang nagpahiwatig sa akin na pupunta din sila sa akin, same operation ang ginawa nila. ‘Yung isang nagsabi sa akin sa Tarlac sila, parehong operasyon,” sabi pa ni Saycon.
Dumistansiya rin si Saycon sa kampo ng talong kandidato sa pagka-bise presidente na si outgoing Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr..
“Hindi po kami nakikialam kung kanino napupunta yung boto. Ang gusto lang po namin ay katotohanan… Wala na akong pakialam kung sino ang nakinabang. Lalabas naman kasi ang katotohanan doon eh,” giit ni Saycon.
Noong Lunes, nagpresinta si Saycon ng tatlong testigo sa Senado kaugnay ng dayaan sa Quezon na umano’y ginawa sa isang apat-na-palapag na gusali sa Lucena City.
Aniya, ang mga testigo na mga empleyado ng gobyerno ang siyang tumanggap sa mga boto mula sa clustered precinct sa mga munisipalidad at nagmanipula sa resulta gamit ang secure digital (SD) cards na may mga boto na para paboran ang ilang mga kandidato.
Ang mga SD cards umano ang ginamit ng mga operator ng Smartmatic para mag-transmit ng boto sa mga Comelec server.
Nauna nang sinabi ng isa sa mga testigo na nakakuha si Roxas ng 400,000 karagdagang boto, samantalang nakakuha naman si Robredo ng 300,000 karagdagang boto.
Nangako rin si Saycon na magsasampa sila ng kaso laban sa mga opisyal ng Comelec at Smartmatic.