BAGO pa man sumumpa si Davao City Mayor Digong Duterte bilang Pangulo ng bansa, marami-rami na rin ang napapatay na suspected drug dealers ng kapulisan.
Iba’t ibang lugar ng bansa ang napapatay ng mga pulis na mga pinaghihinalaang drug pushers.
Sana isunod na nila ang mga convicted drug lords na nasa New Bilibid Prisons (NBP) sa Muntinlupa na patuloy pa rin sa kanilang masamang gawain sa loob mismo ng kulu-ngan.
Ang mga convicted drug lords ay binibigyang proteksiyon ng mga opisyal at ibang kawani ng NBP.
Dapat ay isama na rin ang mga opisyal at mga guwardiya na kasabwat ng mga drug lords.
Magsampol kaya ng sampung guwardiya at opisyal ng NBP na garapalan ang pakikipag-ugnayan sa mga drug lords upang huwag na silang tularan.
Maraming bagong mga guwardiya na pumasok noong panahon ni retired Lt. Gen. Gaudencio Pangilinan bilang director ng Bureau of Corrections (BuCor).
Tinanggal si Pangilinan sa BuCor dahil sa dami ng katiwalian sa kanyang pamamahala.
Ang mga bagong guwardiya raw ay nakapagpatayo na ng mga magagarang bahay at nakabili ng mamahaling kotse.
May ilan ding mga opisyal ng BuCor at NBP na pinapatay dahil dinobol-kros nila ang mga convicted drug lords sa pera.
Pinapatay sila sa mga hired killers.
Isa sa mga napatay ay assistant director ng BuCor.
Isa naman ay NBP superintendent na binaril mismo sa loob ng compound ng NBP.
At ang isa naman ay doktor ng NBP.
Kapag inonse mo ang drug lords sa loob ay tiyak na ipauupa ang ulo mo.
“Hindi ka gagalawin, Mon, kapag hindi mo sila inonse sa pera,” ang sabi sa akin ng isang da-ting opisyal ng BuCor.
May isang director daw ang natakot na tumira sa kanyang quarters (official residence) sa loob ng NBP compound dahil tumanggap ito diumano ng pera sa mga drug lords at hindi tumupad sa usapan.
At sino naman ang dalawang opisyal ng Department of Justice (DOJ) na tumanggap daw ng malaking salapi sa mga preso?
Malapit na ninyong malaman ang identities ng dalawang dating DOJ officials.
Iniimbestigahan at ibubunyag daw ang kanilang mga gawain ng papasok na Duterte administration.
Ang mga gawain ng dalawang opisyal ay nakarating na sa kaalaman ni incoming President Digong.
At dahil galit si Digong sa droga, tiyak na ibubunyag niya ang mga pangalan ng dalawang DOJ officials.
Tinawagan ko ang isa sa nasabing dalawang opisyal upang kunin ang kanyang panig.
Siyempre deny to death ang opisyal na ito.
Sabi niya sa akin sa panayam ko sa kanya sa cellphone, “kabaliwan” daw ang mga paratang sa kanya at sa isa pang opisyal.
Pero sa aking pagtatanong-tanong sa aking mga sources sa BuCor at NBP, itinuturo ang dalawang DOJ officials na kumita ng limpak-limpak na salapi sa mga pagkain ng preso at sa mga drug lords sa NBP.