Pacman isasakripisyo ang 1st love para maging epektibo sa senado

manny pacquiao

DALAWANG mundo ang masakit mang talikuran ay gagawin ni Senador Manny Pacquiao. Una, ang mundo ng boksing na naging dahilan ng pagbabago ng kanyang pamumuhay at naging dahilan kung bakit siya kinilalang boksingero sa buong mundo, pikit-mata niyang kailangang talikuran ang lona dahil sa kanyang pagiging senador na ngayon.

Ikalawa, ang mundo ng showbiz na matagal na niyang pangarap, malapit sa kanya ang larangan ng lokal na aliwan. Nakagawa na rin siya ng mga pelikula nu’n na hindi man pinilahan sa takilya ay ikinasaya na rin ng Pambansang Kamao dahil artista na raw siya.

Kailangan niyang patunayan ngayon na hindi nagkamali ang ating mga kababayan na bumoto sa kanya, dapat niyang tapatan ng trabaho sa Senado ang tiwalang ibinigay sa kanya ng mga Pinoy, dahil kung hindi ay puro kaliwa’t kanang upak ang aabutin niya.

Masikap si Senador Manny, hindi siya kikilalaning pinakamahusay na boksingero ng kanyang panahon kundi siya masikap at matiyaga, matindi ang kanyang disiplina.

Buo na ang kanyang team ngayon sa pagsalang niya sa Mataas Na Kapulungan. Puro mga abogado ang aayuda sa kanya, ngayon pa lang ay nag-aaral na siya, dahil hindi biro ang mabigyan ng mahalagang upuan sa Senado.

Sino nga ba ang mag-aakala na ang dating nagtitinda lang ng pandesal sa GenSan ay magkakaroon pala ng mahalagang papel sa mundo ng pulitika? Destiny ang tawag du’n. Kapag mahirap ipaliwanag ang tagumpay ay isa lang ang puwede nating isangkalan para masagot ang tanong—destiny.

Read more...