HINDI maihihiwalay sa buhay ni Kristo ang mga pag-uusig. Ang buhay ni Kristo ay tigib ng pag-uusig, pagdududa, panganib, pagbabanta’t takot. Tulad ni Kristo, matagal nang pinatay ang kanyang simbahan, pero hayan at nakatayo pa. Iyan ang Pagninilay sa Ebanghelyo (1 P 1:10-16; Slm 98; Mc 10:28-31) sa kapistahan ni Santa Juana, sa ikawalong linggo ng taon.
Ang pag-uusig sa simbahang Katolika ay simula’t sapul pa, at di inumpisahan ni Digong. Kung ibubunyag niya ang mga pari’t Obispo na umano’y may inanakang mga babae, noong unang mga siglo, sila’y may mga asawa’t pamilya. Pero, binalangkas ng simbahan ang pangangasiwa at pinalalim ang disiplina, hanggang sa ipinatupad ang celibacy. Kung tutukuyin lamang ni Digong ang mga pari’t Obispo na may asawa, meron ding husgado ang simbahan para patas na litisin at hatulan ang mga ito.
Ang pag-uusig sa simbahang Katolika ay inumpisahan ni BS Aquino, at inakusahan ang mga obispo na humingi ng Pajero sa gobyerno. Sa pagdinig sa Senado, walang Pajero, kundi’y segunda manong 4×4, na tinutustusan pa ng parishioners ang pagmamantine para dalhin ang paglilingkod sa mga ampunan. Hindi nagsori sina Aquino at Margarita Juico.
Kaanib na pala si Digong ng Iglesia Ni Duterte (IND). Talagang talaga, hanggang ngayon, ay may diyus-diyosan, ang tradisyong sinimulan nina Baal at Asera, Moloc, Dagon, Astarte at Milcom, Camos at Moab, Sucot, Benot, Nergal, Asima, Nibjan, Tartac, Adramelec at Anamelec; Moloc at Refan, Zeus at Hermes, Diana, at Guya. At napakarami na ang kaanib ng IND: ang mga bumalimbing at sipsip.
Binyagang Katoliko si Digong. SMS (sa madaling salita), matagal na siyang nasa sirkulo ng ipokrito, kung susundan ang kanyang pahayag na mula sa Papacy hanggang sa mga kaanib ay ipokrito ang mga ito. Ipokrito rin pala ang tanyag na mga pamilya sa North Forbes, South Forbes, Dasma, atbp. At ilan sa kanyang napipisil na mga miyembro ng kanyang Gabinete ay ipokrito rin.
Nagbanta si Digong na sasabog ang simbahang Katolika sa kanyang mga ibubunyag. Matagal nang tinangkang “pasabugin” ang simbahang Katolika. Iyan din ang misyon ng IS ngayon, at kung isasagawa ni Digong ang kanyang banta, isa lang pala ang kanilang layunin. May IS nga sa Mindanao ni Digong.
Ang Rene Cayetano Elementary School sa Phase 8B, Barangay Bagong Silang, Caloocan, ay ilang hakbang lang sa Balwarte, ang matagal nang pugad ng shabu at dalawang pulis na ang napatay nang magkamaling pasukin ito nang walang pasabi sa Caloocan North police.
Patay ang NBI agent at sugatan ang dalawa nang magkamaling pasukin ang Dose, na pugad din ng shabu habang naghahain ng arrest warrant.
Bawat barangay sa North Caloocan ay bentahan ng shabu na nakumpiska ng mga pulis. Hindi nakalibro ang mga nakumpiska. Mismong mga adik ang inatasang magbenta nito. Hindi inoonse ng adik ang pulis, pero pinapatay din sila, isa-isa, kapag marami nang alam. Walang bakas ang kanilang paglaho sa mundo. Di tulad ng mga pulis-Maynila at QC, na iniiwan ang mga sinalvage.
Balak ng dating pulis, na nasa oblo na, na kumanta hinggil sa operasyon ng droga sa PNP. Maaaring idawit niya ang ilang opisyal. Pero, ang isa sa mga opisyal na kanyang idadawit ay matagal nang pinatay, at ang mga suspek ay kapwa pulis. Ibig ba niyang “magpalakas” kina Bato at Digong?
MULA sa bayan (0916-5401958): Kami’y taga-Blumentritt, Maynila.
Matagal na kaming biktima ng nakatiwangwang na flood project. Makialam ka na Duterte para matapos na ito. Rene …7818
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.