Raptors-Cavs series 2-all na

Kyle Lowry; C.J. Watson

TORONTO — Kung sa unang tingin ay wawalisin ng Cleveland Cavaliers ang Toronto Raptors sa kanilang best-of-seven NBA Eastern Conference finals series, tiyak na nagdadalawang isip na ang mga Cavs fans ngayon.

Ito ay dahil tabla na ngayon ang serye sa 2-2 matapos na mamayani ang Raptors sa Game Four kahapon sa Toronto, 105-99.Nanaig din ang Toronto sa Game Three noong Linggo, 99-84, matapos na lumamang ng 2-0 ang Cavaliers, na number one seed sa Eastern Conference.

Kahapon ay gumawa ng 35 puntos si Kyle Lowry, kabilang ang driving layup sa huling minuto ng laban para masiguro ang panalo para sa Raptors. Nagdagdag naman ng 32 puntos si DeMar DeRozan sa 14-of-23 field goal shooting.

Sa ikalawang sunod na laro ay nagbida ang back-up center ng Raptors na si Bismack Biyombo.
Matapos na humugot ng 26 rebounds at 4 blocks si Biyombo sa Game Three ay sumungkit siya ng 14 rebounds at 3 blocks kahapon.

“We’ve been counted out, and we like that challenge,” sabi ni DeRozan. Ang Cavs ay pinamunuan ni LeBron James na may 24 puntos at walong rebounds. Magsasagupa uli ang Raptors at Cavs sa Game Five bukas sa homecourt ng Cleveland, kung saan hindi pa natatalo ang tropa ni James sa kasalukuyang Playoffs.

“We have to continue to make sure that when they punch, we punch back,” sabi ni Lowry. “And if they punch three times, we punch four times.”

Read more...