ITINALA ng National University Bulldogs ang ikatlong sunod na panalo matapos na biguin ang MC Dream ng Korea, 11-9 sa pagpapatuloy ng 2016 PSC Commissioners Baseball Cup sa Rizal Memorial Baseball Field kahapon.
Pumalo ang NU ng isang run sa ikalawang inning at dalawa sa ikatlong inning upang maagang lumamang sa laro. Matapos na maka-iskor ang koponang binubuo ng mga expatriates mula Korea sa ikaaapat na inning ay humataw ng tigatlong runs ang mga Bulldogs sa 5th at 7th.
Pinilit ng MC Dream na makahabol nang gumawa ito ng tigalawang runs sa 8th at 9th pero kinapos ito sa matinding depensa ng NU sa huling inning. Nangunguna ang NU sa Pool A sa kartang 3-0. Sa ibang laro ay pinasuko ng Ateneo De Manila A ang LS Antipolo sa loob lamang ng limang inning sa iskor na 20-1.
Wala namang hirap na iniuwi ng SCUAA champion Rizal Technological University ang unang panalo sa dalawang laro nang ma-default ang kalabang Bulacan State University.