Mga Laro Ngayon
(Rizal Memorial Baseball Field)
7 a.m. LS Antipolo vs ADMU (Pool B)
9 a.m. MC Dream Korea vs NU (Pool A)
11 a.m. RTU vs BULSU (Pool D)
ITALA ang ikatlong sunod na panalo ang pakay ng National University Bulldogs sa pagsagupa ngayon sa MC Dream Korea sa tampok na laro sa tatlong nakatakdang labanan sa 2016 Philippine Sports Commission (PSC) Commissioner’s Cup sa Rizal Memorial Baseball Field.
Una munang magsasagupa ganap na alas-7 ng umaga ang Ateneo de Manila University kontra LS Antipolo sa Pool B na agad susundan ng salpukan ng NU kontra sa binubuo ng mga expatriates na MC Dream Korea sa Pool A dakong alas-9 ng umaga.
Ikatlong magsasagupa ang kapwa asam ang kanilang unang panalo na SCUAA champion Rizal Technological University at ang Bulacan State University sa Pool D.
Huling nabigo ang LS Antipolo sa Unicorns, 1-28, habang unang laro naman ito ng Ateneo na sariwa pa sa pag-uwi ng ikalawang puwesto sa UAAP.
Binigo naman ng NU Bulldogs ang Vitarich ILLAM, 15-5, at ang Adamson University, 6-5.
Nagawa naman ng MC Dream Korea na masungkit ang una nitong panalo kontra sa Vitarich, 18-9.
Huling tinuruan ng Unicorns ng matinding leksiyon ang baguhang LS Antipolo matapos itala ang 28-1 run panalo sa ginaganap na sports development program ng PSC.
Ipinamalas ng Unicorns ang matinding husay sa paluan matapos agad umiskor ng tig-tatlo sa first at second inning, pito sa fourth inning, walo sa fifth inning at pito muli sa seventh inning para pigilan ang laban dahil sa kabuuang 20 runs para sa una nitong panalo sa Pool B.
Nagtulong ang magkakapatid na sina Daniel Laurel, na siyang lead batter sa pagtala ang 5 runs, 3 hits at 2 RBI; Carlito Laurel na may 3 runs, 2 hits at 5 RBI, Jay Laurel na may 1 run at Matt Laurel na may 5 runs 2 hits at 2 RBI upang itala ang 14 na run sa kabuuang 28 ng Unicorns.
Nag-ambag din sina Felipe Remollo ng 3 runs, 4 hits at 3 RBI; Luigi Nolasco na may 2 runs, 2 hits at 2 RIB at si EJ Gesmundo na may 2 runs, 2 hits at 1RBI para sa Unicorns sa torneo na pagbabasehan para sa pagpili ng mga manlalaro na magiging miyembro ng pambansang koponan sa baseball.
Sinandigan naman ng Unicorns ang mga pitcher nito na sina AJ Francisco na tatlong inning pumukol para sa 1 run 3 hits na paglalaro gayundin sina Sebastian Uchico at Miguel Olmos na may pinatuntong lamang na anim na batter sa kanilang dalawang inning na pag-pitch.
Hindi din pinakawalan ng IPPC na binubuo ng mga dating miyembro ng PHILAB ang nakatapat nitong LS Antipolo Alumni matapos nitong bokyain sa loob lamang ng limang inning, 20-0, para sa ikatlong sunod nitong panalo sa kinabibilangang Group C.