Cleveland Cavaliers wala pa ring talo sa NBA Playoffs

CLEVELAND — Nagtala si LeBron James ng triple-double para sa Cleveland Cavaliers na umangat sa 10-0 sa playoffs matapos itala ang 108-89 pagwawagi laban sa Toronto Raptors sa Game 2 ng Eastern Conference finals kahapon.

Gumawa si James ng 23 puntos, 11 rebounds at 11 assists para sa Cavs na naging ikaapat na koponan na sinimulan ang postseason na may 10 diretsong panalo para makasama ang Los Angeles Lakers (1989, 2001) at San Antonio Spurs (2012). Naglalaro sa ibang lebel kumpara sa ibang koponan sa playoffs, ang Cavs ay kailangan na lamang ng dalawang panalo para makapasok sa ikalawang sunod na NBA Finals at susubukang wakasan ang 52-taon na sports championship drought ng Cleveland.

Umiskor si Kyrie Irving ng 26 puntos habang si Kevin Love ay nag-ambag ng 19 puntos para sa Cleveland, na winalis ang Detroit Pistons at Atlanta Hawks at tinalo ang Toronto sa pinagsamang 50 puntos sa dalawang laro.

“I don’t think it feels like a streak,” sabi ni James patungkol sa pananalasa ng Cavs sa playoffs. “It feels like we won one game, we won the next game. We’ve taken one step at a time. We’ve tried to take care of business.”

Nagawang makasabay ng matagal ng Raptors sa Game 2 kumpara sa Game 1, kung saan tinambakan sila ng Cavs ng 31 puntos. Subalit kulang pa rin ang Toronto ng kinakailangang opensiba para tapatan ang Cleveland na naglalaro ng pinakamahusay nitong basketball ngayong season.

Ang Game 3 ay gaganapin bukas sa Air Canada Centre sa Toronto.

Read more...