Top four teams sa PSL beach volley quarterfinals di magkukumpiyansa

WALANG nagkukumpiyansa sa mga walang talong koponan na Navy A, F2 Logistics, Foton Toplander at RC Cola Army A sa magaganap na do-or-die quarterfinals bukas sa PSL Beach Volley Challlenge Cup sa Sands SM By The Bay.

“Mahirap po kasi unpredictable at anything can happen sa beach volley,” sabi lamang ng isa sa dalawang miyembro sa tinanghal na kampeon sa unang edisyon ng liga na si Norie Jean Diaz ng Navy. “Maraming dapat isipin habang nasa laro tulad sa kung ano ang susunod na gagawin ng kalaban tapos siyempre iyung paligid mo, iyung hangin din.”

Katambal si Danica Gendrauli ay inuwi nila ni Diaz ang unang titulo ng torneo matapos talunin ang tambalan nina Patty Orendain at Fiola Ceballos ng Foton. Gayunman, iba na ang kapareha ni Gendrauli na si Aby Maraño na bitbit ang koponan ng F2 Logistics.

“Anytime, puwede ka ma-upset sa laro. Bawat puntos importante sa beach volley,” sabi ni Gendrauli, na katulad sa dati niyang katambal ay nagawang itala ang malinis na dalawang sunod na panalo sa eliminasyon para makasama sa tanging apat na koponan na hindi nakalasap ng kabiguan.

Hindi rin nagkukumpiyansa ang pares nina Cherry Rondina at Patty Orendain ng Foton na nanguna sa Pool C at ang RC Cola-Army A nina Jovelyn Gonzaga at Nene Bautista sa Pool D matapos iuwi ang tatlong sunod na panalo.

Magsasagupa bukas ang F2 Logistics na makakatapat ang Petron XCS nina Aiza Maizo-Pontillas at Sheila Pineda ganap na alas-3:30 ng hapon bago sundan ng salpukan ng RC Cola-Army A kontra Petron Sprint 4T na pares nina Frances Molina at Maica Morada sa ganap na alas-4:30 ng hapon.

Haharapin sa dalawa pang pares ng laban sa quarterfinals ng Standard Insurance-Navy A ang FEU-Petron nina Bernadeth Pons at Kyla Atienza sa alas-5:30 ng hapon bago ang tampok na salpukan ng Foton kontra sa RC Cola-Army B nina Genie Sabas at Jeannie delos Reyes sa alas-6:30 ng gabi.

Ang magwawagi sa apat na salpukan ay maghaharap sa matira-matibay din na semifinals at sa winner-take-all na isang larong kampeonato sa Mayo 29.

Read more...