Petecio sasabak ngayon sa 2016 AIBA World Women’s Boxing Championship

SUSUNTOK na ngayong hapon si Nesthy Petecio para sa pagkakataong masungkit ang isa sa dalawang natatanging nakatayang silya sa Rio Olympics sa 2016 AIBA World Women’s Boxing Championship sa Barys Arena sa Astana, Kazakhstan.

Babanggain ng sixth seed at 2014 AIBA World Women’s Boxing Championship silver medalist na si Petecio, na nakahugot ng opening round bye, sa 51 kilogram o flyweight division si Zohra EZ Zahraoui ng Mauritus na umusad mula sa unang araw ng sagupaan ng kabuuang 49 boxers.

Pinatalsik ni Zahraoui sa iskor na 39-37, 39-37 at 39-37 ang nakatapat na si Eunjin Nam ng Korea upang makaharap ngayong alas-4 ng hapon si Petecio.

Tanging ang weight division lamang ni Petecio sa tatlong kategorya na lalahukan ng Pilipinas ang kasama sa mga paglalabanan para sa gintong medalya sa Olympic Games sa Agosto sa Rio de Janeiro, Brazil.

Sasalang na rin sa aksyon sina Singapore Southeast Asian Games champion Josie Gabuco at silver medalist Irish Magno sa ikatlong araw ng torneo.

Mapapalaban ang 2012 World Women’s Boxing  Championship winner na si Gabuco sa pagsagupa nito sa fourth seed na si Sevda Asenova ng Bulgaria sa first round ng 45-48 kilogram division.

Makakatapat ni Gabuco kung magwawagi kay Asenova sa susunod na round ang mananalo naman kina Volha Lushchyk ng Belarus at Jazmin Vilarino ng Argentina.

Makikipagbakbakan naman si Magno kontra kay Bolortuul Tumurkhuyag ng Mongolia sa una nitong laban sa 54 kg division. Sakaling makausad sa sunod na round ay haharapin ni Magno ang matinding balakid na si third seed Liu Piaopiao ng China.

Read more...