PINARANGALAN bilang Cignal Cable-PBA Press Corps Most Valuable Player ng nakaraang PBA Commissioner’s Cup Finals si Paul Lee matapos na matulungan niyang magkampeon ang Rain or Shine.
Dinaig ng Elasto Painters ang Alaska Milk, 4-2, sa best-of-seven title series.
Si Lee ay naging Best Player of the Game sa unang dalawang panalong naitala ng Rain or Shine.
Sa Game One ay nagtala siya ng 20 puntos kabilang na ang huling 3-point shot upang talunin ng Elasto Painters ang Aces, 105-97.
Sa Game Two ay kapwa sila nagtala ng tig-17 puntos ni Jeff Chan upang pangunahan ang Rain or Shine. Pero si Lee ang nagbida dahil sa siya ang gumawa ng game-winning shot. Paubos na ang oras nang makuha niya ang rebound matapos magmintis si Beau Belga at tumira ng fadeaway jumper sabay sa pagtunog ng final buzzer.
Sa totoo lang, sa puntong iyon ay halos 50 percent nang sigurado si Lee na magiging MVP of the Finals dahil sa dalawang beses nga siyang nagbida, e. Kung may kakampi siyang magbibida sa huling dalawang panalo ng Elasto Painters, magkakaroon ng matinding botohan sa mga miyembro ng PBA Press Corps kung sino ang talagang MVP.
Pero muntik nang hindi matuloy ang pagkuha niya ng karangalan. Muntik nang maunsiyami ang selebrasyon.
Kasi nabigo ang Rain or Shine na makumpleto ang sweep matapos na umabante sa serye, 3-0.
Nakabuwelo pa kasi ang Alaska Milk na nagwagi sa Games Four at Five upang dumikit, 3-2.
Kaya naman marami rin ang nag-alangan sa tsansa ng Elasto Painters.
Naalala nila ang pangyayaring nagtala rin ng 3-0 bentahe ang Alaska Milk kontra San Miguel Beer sa best-of-seven Finals ng nakaraang Philippine Cup. Kung nagkampeon ang Alaska ay si Vic Manuel sana ang magiging MVP of the Finals dahil siya ang Best Player ng unang tatlong laro ng serye.
Pero nagawa ng San Miguel na mapanalunan ang huling apat na laro ng serye at magkampeon. Si Chris Ross ng Beermen ang naging MVP of the Finals.
Pero hindi dinanas ni Lee ang kapalarang dinanas ni Manuel. Napanalunan kasi ng Rain or Shine ang Game Six noong Miyerkules at nagkampeon sila. Si Lee ang handsdown choice para sa award.
Naging napakasarap tuloy ng pakiramdam ni Lee.
Kasi nga ay natikman niya kung ano ang pakiramdam ng magkampeon sa PBA.
Oo at naging bahagi siya ng unang titulong napanalunan ng Elasto Painters noong 2012 nang siya ay rookie pa lang. Pero hindi siya active member ng team dahil sa nagtamo siya ng shoulder injury at hindi nakapaglaro sa Finals. Kabilang nga lang siya sa lineup pero tagapalakpak lang noon.
Ngayon ay naglaro siya at naging MVP pa. Kumpletong-kumpleto ang pakiramdam ni Lee.