Petecio masusubok sa AIBA World Women’s Boxing Championships

MATINDING pagsubok ang agad na dadaanan ni national boxer Nesthy Petecio sa kanyang pagsalang bukas para sa inaasam na silya sa 2016 Rio de Janeiro Olympics sa 2016 AIBA World Women’s Boxing Championships na gaganapin simula Mayo 19 hanggang 27 sa Barys Arena sa Astana, Kazakhstan.

Agad na makakatapat ng No. 6 seed mula Santa Cruz, Davao del Sur na si Petecio, na nakakuha ng bye sa unang araw ng labanan, ang seventh seed na si Madokka Waida ng Japan sa elimination round ng 51-kilogram category na may kabuuang 49 kalahok.

Tanging ang 2015 President’s Cup gold medalist sa bantamweight division na si Petecio ang sasabak para sa silya sa Olimpiada matapos na ang kategorya nito lamang ang nakasama sa tatlong weight division na paglalabanan sa Rio Summer Olympic Games na gaganapin simula Agosto 5 hanggang 21.

Una nang inihayag ng International Olympic Committee na paglalabanan lamang sa women’s boxing competition sa Olympics ang mga weight category na 51 kgs, 60 kgs at 75 kgs.

Kinakailangan ni Petecio, na nakapilak sa 2014 World Championships sa Jeju City, South Korea at 2013 Naypyidaw Southeast Asian Games sa featherweight division, na makatuntong sa kampeonato dahil tanging dalawang silya lamang ang nakalaan para sa mga magkukuwalipika sa Rio Olympics.

Sasabak din sina 2012 World Championship champion at Singapore SEA Games gold medalist Josie Gabuco sa 48 kg at Irish Magno sa 54 kg subalit walang nakatayang silya sa Olympics.

Read more...