Cavaliers dinurog ang Raptors sa NBA Eastern Conference Finals opener

CLEVELAND — Hindi nakaapekto ang mahabang pahinga para sa Cleveland Cavaliers matapos nitong durugin ang Toronto Raptors, 115-84, sa opening game ng NBA Eastern Conference finals kahapon.

Umiskor si Kyrie Irving ng 27 puntos habang si LeBron James ay kumana ng 24 puntos para sa Cavaliers, na tumira ng 67 porsiyento mula sa field sa first half at umangat sa 9-0 karta sa postseason.

Ang Cleveland ay naging unang koponan na sinimulan ang playoffs na may siyam na diretsong panalo magmula nang magtala ang San Antonio Spurs ng 10 sunod na pagwawagi noong 2012.

Hindi tulad ng kanilang second-round series kung saan tumira sila ng 77 3-pointers para walisin ang Atlanta Hawks, ang Cavs ay nagdomina malapit sa shaded area. Gumawa lamang ang Cleveland ng 7 of 20 3-point attempts.

Kumamada si DeMar DeRozan ng 18 puntos habang si Bismack Biyombo ay nagdagdag ng 12 puntos para sa Toronto.

Si Kyle Lowry, na umiskor ng 35 puntos para sa Toronto sa Game 7 ng kanilang East semifinal series kontra Miami Heat, ay nakagawa lamang ng walong puntos para sa Raptors na dinomina ng Cavaliers sa kanilang kauna-unahang paglalaro sa conference finals.

Ang Game 2 ay gaganapin bukas.

Hindi naman kinakitaan ng pangamba ang Cleveland na maaaring kalawangin sila matapos ang siyam na araw na pahinga nang maagang patalsikin ang Hawks. Bagkus ay waring nakapagpahinga ng husto ang Cavs at mas naglaro ng mahusay.

At si James ang nanguna sa ratsadang isinagawa ng Cavaliers. Tumira siya ng 11 of 13 mula sa field at nagdagdag ng anim na rebounds at apat na assists sa 28 minutong paglalaro. Tuluyan namang naupo si James sa huling yugto at nag-cheer na lamang para sa reserves ng Cleveland, na itinala ang pinakamalaking panalo sa postseason.

Tinalo ng Cavs sa puntusan ang Raptors, 33-16, sa ikalawang yugto kung saan gumawa ng matinding dunk si James sa kanilang 20-2 ratsada.

Nagawa naman ng Toronto ang kanilang unang field goal sa ikalawang yugto may  6:26 sa orasan at dumikit sa 12 puntos bago muling rumatsada ang Cavs gamit ang 12-4 atake para isara ang first half na tangan ang 66-44 bentahe.

Samantala, nakuha ng Philadelphia 76ers ang number one overall pick sa 2016 NBA draft kahapon.
Ang Sixers ay nagtapos na hawak ang league worst 10-72 record ngayong season.

Read more...