Nangyari noong 2010 nauulit ngayong 2016

PARANG naulit sa katatapos na eleksyon ang nangyari noong 2010 presidential polls.

Runaway winner sa presidential race ang noon ay si Senador Noynoy Aquino. Parang ngayon din na malinaw ang mandatong ibinigay ng publiko kay Davao City Mayor Rodrigo Duterte.

Noong 2010, dikdikan ang laban sa vice presidential elections sa pagitan ng noon ay Makati Mayor Jejomar Binay at noon ay Senador Mar Roxas.

Si Binay ang nagwagi subalit maliit lamang ang kanyang naging kalamangan.

Noong 2010 ang unang pagkakataon na naging automated ang botohan sa bansa. Marami ang nagulat dahil napakabilis na natapos ang bilangan, nalaman kaagad kung sino ang nanalo.

Bago ang automated election ay inaabot ng Hunyo ang canvassing kaya grabe ang bantayan.

Sa katatapos na halalan, bagamat hindi pa nagsisimula ang official canvassing ay alam na kung sino ang mga nanalo.

Sumuko na ang mga kalaban ni Duterte kaya wala na siyang magiging sakit ng ulo sa canvassing. Ang opisyal na proklamasyon na lamang niya ang hinihintay.

At gaya ng nangyari anim na taon na ang nakakaraan, naging mahigpit rin ang halalan sa pagkabise-presidente.

Gitgitan ang laban nina Sen. Bongbong Marcos at Camarines Sur Rep. Leni Robredo.
Hindi lumalayo sa 200,000 ang lamang ng congresswoman sa senador.

At hindi pa tapos bilangin ang lahat ng boto.

Kung ang bilang ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting ang susundan, si Robredo na ang nanalo. Kaya lang hindi ang PPCRV ang magdedeklara ng nanalo.

Kahit na ang Commission on Elections ay hindi maaaring magdeklara ng nanalong pangulo at bise presidente.

Ang magpoproklama lang ay ang Kongreso. Sa susunod na linggo pa inaasahang magsisimula ang opisyal na canvassing.

Tiyak na babantayan ang bawat bilang ng boto.

Kung susundan ang nangyari sa Comelec, hindi nagtutugma ang bilang ng boto na natanggap ng Comelec at ang numero ng PPCRV.

Umangal ang kampo ni dating Sen. Migz Zubiri sa resulta ng botohan sa Davao del Norte, Misamis Oriental at Laguna.

Sa central server, si Zubiri ay nakakuha ng 184,262 boto pero sa transparency server ng PPCRV siya ay may 186,725 boto sa Davao del Norte.

Sa Misamis Oriental, siya ay may 385,410 boto sa transparency server pero sa central server siya ay may 222,569 boto lamang.

Sa Laguna, mayroon siyang 488,821 boto sa central server mas mababa sa 491,980 nakuha niya sa transparency server.

Hindi lang ito nangyari kay Zubiri. Umangal din sina dating MMDA chairman Francis Tolentino at reelectionist Sen. Ralph Recto.

Si Tolentino ay may 205,323 boto sa Zamboanga del Sur ayon sa transparency server pero sa central server ang bilang ay 137,019 boto lamang.

Sa pumasok na boto sa transparency server, si Recto ay may 114,367 boto mula sa Davao del Norte pero sa central server siya ay mayroon lamang 113,465. Hindi rin umano tugma ang resulta sa Ilocos Sur.

Alam naman nating lahat na ang susundin na bilang ay ang nasa central server.

Hindi malayo na magkaroon din ng ganitong insidente sa boto ng mga kandidato sa pagkabise presidente kaya asahan na ang mala-Jawo sa canvassing ng Kongreso.

Para sa komento o tanong, mag-email sa inquirerbandera2016@gmail.com

Read more...