PANALO si Mayor Rody ‘Digong’ Duterte sa Overseas Absentee Voting (OAV). Ibig sabihin maraming mga Pinoy sa abroad o mga overseas Filipino workers ang nagtiwala kay Digong.
Tiwala sila na sa ilalim ng bagong administrasyon ay mapapanatag ang kanilang kalooban, na kahit sila ay nasa malayong lugar, ay magiging kampante sila para sa kanilang maiiwan na pamilya rito sa bansa.
Naniniwala rin sila na ang lideratong ipinairal ni Digong sa Davao City nang 20 taon ay siya na ring ipaiiral sa buong bansa.
At hindi pa nga pormal na nailuluklok bilang susunod na pangulo ng Pilipinas, ipinaramdam na agad ni Duterte ang kaniyang malasakit sa ating mga OFW.
Sinabi niyang itatayo niya ang Department of OFW, isang sangay ng gobyerno na walang ibang paglilingkuran at pangangalagaan kundi pawang mga OFWs.
Nauna nang isinulong ni Sen. Cynthia Villar ang paglikha ng OFW department at sinuegundahan naman ni Sen. Bongbong Marcos.
Isang bagay ito na siyang nagbibigay sa OFWs ng kumpiyansa na ang mga gaya nila ay hindi na mapapabayaan sa sandaling kailanganin nila ang tulong ng gobyerno.
Ang isa pang nakatutuwang isipin ngayon ay gagawing aksyon ni Digong sa mga nangraraket sa airport.
Ito ay ‘yung tungkol sa usapin ng laglag-bala o tanim-bala na modus operandi ng ilang indibidwal o sindikato sa airport na ang binibiktima ay ang mga papaalis na pasahero.
Lalaglagan nila ito ng bala saka kikikilan ng malaking halaga kapalit ng kanilang kalayaan.
Siyempre nga naman, dahil sa kaba at pagkataranta, madalas na bumibigay na lamang ang mga kaawa-awang biktima. Ibibigay ang lahat ng cash na dala-dala nila, makaalis lamang at pilit na kalilimutan ang masamang karanasan sa airport hangga’t maaari.
Ayon sa ating Paris online correspondent na si Berly Tugas, isang pamilya ang pabalik na sa France noon nang laglagan umano ng bala ang bag ng misis na OFW.
Sa labis na pagkataranta, nagbayad na lamang sila bilang pang-areglo, kung magkano ang hiningi ng naturang airport personnel dahil ilang minuto na lamang at boarding na nila. Hindi rin sila puwedeng maiwan nang naturang flight dahil pasukan na ng kanilang mga anak at hindi na puwedeng lumiban pa ang mga iyon sa klase.
Matagal nang nangyayari ang modus operanding ito sa airport. Ngayon lamang pumutok dahil may nagsumbong.
Nauna nang binalaan ni Duterte ang mga sangkot dito na patatalsikin niya sa airport ang gumagawa ng nakakasukang krimen na ito laban sa ating mga OFW, mga matatanda at mga dayuhan.
Sa ilalim ng Duterte administration, umaasa ang ating mga OFW na ligtas na silang makapaglalakbay nang hindi na kinakabahan, at muling maibalik ang kanilang tiwala sa ating pamahalaan.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM mula Lunes hanggang Biyernes, alas-10:30 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali. May audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW Website: bantayocwfoundation.org E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com