No. 14 jersey ni Caloy Loyzaga sa San Beda Red Lions ireretiro ng NCAA
TULUYANG ireretiro ng NCAA Season 92 host San Beda College ang ginamit na numero sa jersey ni Carlos “The Big Difference” Loyzaga sa inaasahang magiging makulay at simbolikong opening ceremony ng pinakamatagal na liga ng mga unibersidad sa bansa sa Hunyo 25.
“Yes, we will retire his jersey,” sabi ni Jose Mari Lacson, NCAA Management Committee (Mancom) chairman, matapos makapanayam sa turnover ceremony ng liga patungkol sa inihahanda nitong pagbibigay parangal para sa kinukunsidera na pinakamahusay na produkto ng Red Lions.
Sinabi ni Lacson na kanilang isasabit bilang simbolo at hindi na ipapagamit pa ang No. 14 jersey ni Loyzaga sa Red Lions na tinulungan niyang magwagi ng tatlong NCAA men’s basketball title noong dekada 50 (1951, 1952 at 1955) at ipagkaloob dito ng Zamora Cup, ang premyo para sa koponan na makakasungkit ng tatlong kampeonato sa NCAA.
Dahil sa natamong tatlong kampeonato ng San Beda sa pangunguna ni Loyzaga ay tuluyang iniretiro ang Zamora Trophy at naging daan ito para kilalanin si Loyzaga bilang “The Big Difference.”
Nagsilbi rin sa bansa si Loyzaga, na two-time Olympian (1952 at 1956), bilang miyembro ng Philippine men’s national basketball team at nakatanggap ng karangalan bilang Philippine National Basketball Hall of Fame awardee (1999), Philippine Sportswriters Association Athletes of the 20th Century awardee (2000) at Philippine Olympic Committee Presidential Olympism awardee (2016).
Idinagdag ni Lacson na kanilang iimbitahan ang buong pamilya ni Loyzaga na binubuo ng misis nito na si Vicky at mga anak na sina Chito, Joey, Princess, Teresa at Bing.
Namayapa si Loyzaga nito lamang Enero 27, 2016 sa Cardinal Santos Medical Center matapos na unang magtamo ng stroke sa Australia noong 2011 bago nagbalik sa Pilipinas noong 2013.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.