Taxi driver na ayaw magsukli sa pasahero sasampulan ni Digong
NAGBABALA si Davao City Mayor Rodrigo Duterte na kabilang sa mga masasampulan sakaling maupo siya bilang pangulo ng bansa ay ang mga driver ng taxi na hindi nagbibigay ng sukli sa mga pasahero.
“It is extortion or illegal exaction,” sabi ni Duterte sa isang press conference sa Davao City.
Ito’y sa harap naman ng mga reklamo kaugnay ng mga driver na hindi nagbibigay ng sukli sa kanilang pasahero.
“Yung mga taxi both dito sa Davao pati sa Maynila, alam mo pag kinuha mo pera ng tao dahil wala kang sinsilyo at di mo binalik, that is estafa,” sabi ni Duterte.
Sa ilalim ng pamamahala ni Duterte sa Davao City, maging barya ay ibinabalik ng mga driver ang sukli sa kanilang mga pasahero.
“It is not a simple violation. I already told the drivers here. It is not your money and you go away with it,” ayon pa kay Duterte.
Idinagdag pa ni Duterte na hindi dapat bumibiyahe ang mga driver na walang panukli.
“It behooves upon the taxi company now to provide the drivers with loose changes at the start of the day,” dagdag ni Duterte.
Pinayuhan din ni Duterte ang mga pasahero na kung maaari ay magdala ng sapat na pamasahe sakaling sumasakay ng taxi.
Aniya, dapat na magpapalit muna sa tindahan ang mga driver na walang mga panukli bago pumasada.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.