Alaska Aces nanaig sa Game 5

Laro sa Miyerkules
(Araneta Coliseum)
7 p.m. Alaska vs Rain or Shine
(Game 6, best-of-7 finals)

NAGLATAG ang Alaska Aces ng matinding depensa para padapain ang Rain or Shine Elasto Painters, 86-78, sa Game Five ng kanilang 2016 Oppo PBA Commissioner’s Cup best-of-seven championship series kahapon sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.

Gumawa si Calvin Abueva, na nakuha ang kanyang kauna-unahang Best Player of the Conference award noong Biyernes, ng double-double sa itinalang 20 puntos at 13 rebounds para pangunahan ang Aces na nanatiling buhay ang pag-asang makuha ang titulo matapos idikit ang kanilang serye sa 3-2.

“Nung una na-straight kami 3-0 pero ngayon kasi nakaka-recover na kami,” sabi ni Abueva, na naglaro ng 34 minuto mula sa bench. “Kailangan pa namin ma-limit mga shooters nila.”

Si Rob Dozier ay nagdagdag ng 14 puntos, si RJ Jazul ay nag-ambag ng 13 puntos, si Dondon Hontiveros ay gumawa ng 12 puntos at si Cyrus Baguio ay may 11 puntos para sa Alaska na tatangkaing itabla ang kanilang serye sa 3-3 sa darating na Miyerkules.

Si Jeff Chan ay kumana ng 17 puntos habang si Paul Lee ay nagtala ng 16 puntos para pamunuan ang Elasto Painters na nalimitahan ang opensa.

Read more...