Kris patuloy na kinakawawa ng madlang pipol, huwag na raw bumalik sa Pilipinas

kris aquino at kathniel

TAPOS na ang eleksiyon, ang pinagtatalunan na lang ngayon ay kung sino ang tunay na nahalal na vice-president, pero hanggang ngayon ay bala pa rin ang social media sa mga upakan ng mga kababayan nating nakapailalim sa magkakaibang kulay-pulitika.

Si Kris Aquino pa rin ng pinakamatinding pinakakain ng apdo ng ating mga kababayan, puro parunggit laban sa aktres-TV host ang mababasa sa social media, tuloy ay maiisip mo na lang na parang unti-unti nang umaandap-andap ang ningning ng kanyang bituin.

Siya pa rin ang pinagpipistahan, pero sa ano namang paraan, kundi siya nilalait sa pagiging presidential sister ay pinalalayas na siya nang tuluyan ng kanyang mga bashers sa ating bayan.

Ang kasunod ni Kris na binoboldyak sa social media ay sina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo, sobrang lakas ng mga kaliwa’t kanang bira ng marami sa loveteam na ito, ikinumpara pa nga sina Daniel at Kathryn sa isang gomang tsinelas na wala raw naman palang itatagal.

Sinisingil sila ng mga bashers, nasaan na raw ang ipinangako nilang tagumpay kay Secretary Mar Roxas, anyare raw sa kanilang popularidad kuno?

Mga ilang linggo pa tatagal ang ganitong klima sa social media. Mainit pa hanggang ngayon, pero siguradong huhupa rin, lalo na’t malapit na ang tag-ulan.

Parang panahon lang ‘yan na minsang mainit at minsang malamig. Iba na kasi ang eleksiyon ngayon, nakikilahok na ang taumbayan, kaya maraming nagbabanatan sa social media.

Read more...