MUKHANG hindi imposible ang pagbabalikan ng isang magkarelasyong personalidad na kamakailan lang nagkahiwalay. Wala pang kumpirmasyon tungkol sa kanilang hiwalayan pero sa kanilang mga pahayag nitong mga nakaraang buwan ay pareho raw silang single na.
Ang girl ang madalas magbigay ng pahimakas na tapos na ang lahat para sa kanila ng guwapong aktor, ang male personality naman ay idinadaan lang sa pagtawa ang mga tanong, palaging maramot sa pagbibigay ng mga detalye tungkol sa kanyang lovelife ang aktor.
Wala pang bagong pangalan na nauugnay sa female personality, sa aktor naman ay meron na, pero wala pa rin silang inaamin.
Pero maganda ang mga kuwentong lumulutang nitong mga huling linggo, nag-uusap na raw ang naghiwalay na magkarelasyon, ang lalaki raw ang unang gumawa ng hakbang para sa muli nilang komunikasyon.
Kuwento ng isang source, “Okey na sila, nag-uusap na uli sila kahit sa phone lang muna. Magandang sign ‘yun, di ba? Kahit hindi pa sila nagkikita uli nang personal, okey na rin ang ganu’n dahil nabuksan na uli ang commumication nila.
“Kesa naman sa puro parinig lang ang nangyayari, panay-panay ang sabi ng girl ng kung anu-ano na parang ang pinatatamaan niya, e, ang mga ginawa sa kanya ng guy. Hugot kung hugot ang babae!” madiing sabi ng aming impormante.
Text-text lang nu’ng una, hanggang sa nagtatawagan na sila, baka sa susunod ay pagbabalikan na kuno ang maging kasunod nu’n. “Naku, Bradly Guevarra, siguradong sapul mo agad kung sinu-sino sila. Huwag ka nang humugot ng buntong-hininga, isigaw mo na agad ang mga pangalan nila!” pagtatapos ng aming source.