TIYAK na iikot ang puwitan ng isang government official kapag nalaman niyang baon sa utang ang kanyang misis.
Tumatangiting na P15 milyon halaga ng mga imported na relo at alahas ang hindi pa naibabalik o nababayaran ni misis na hanggang ngayon ay ayaw makipagkita sa kanyang pinagkakautangan.
Sinabi ng ating Cricket na mahusay magsalita si misis dahil maganda raw ang pwesto sa gobyerno ng kanyang mister.
Ang masaklap, nagsitalbugan din ang kanyang mga tseke.
Noong December ay ikinasal ang isa sa mga anak nina undersecretary at misis na mahilig sa alahas.
Sinabi ni misis sa alahera na kailangan niyang mamili ng mga alahas para nga naman bongga ang dating sa mga bisita.
Dahil magaling kausap, kaagad na nagtiwala ang kausap nilang jeweler na naghatid kaagad ng mga imported na relos at alahas.
At alam ba ninyo kung ano-anong mga items ang inihatid? Isang limited edition ng Cartier watch na puno ng diamonds na nagkakahalaga ng P2 milyon.
Umorder din si misis ng Bulgari watch with diamonds din na may market value na P1 milyon.
Kumuha rin siya ng pang-regalo naman daw sa Usec na isang Harry Winston platinum watch na nagkakahakaga naman ng P2.5 milyon.
Sangkatutak din na mga white gold and diamond jewelry ang kasama sa order ni misis kaya naman naging bongga ang kanilang itsura noong araw ng kasal.
Heto na ang problema, anong buwan na? Hanggang ngayon ay hindi pa nabayaran ang nabanggit na mga alahas na inorder ni misis.
Nang singilin siya ng jeweler ay kung anu-ano na ang kanyang palusot kabilang na rito ang hindi daw niya nasisingil pa na P100 milyon na government transaction sa Bacolod City.
Ano naman ang kinalaman ni misis sa trabaho ng kanyang mister na kilala rin bilang isang “environmentalist”?
Alam ba ni Usec ang mga transaksyon ng kanyant misis?
Nang muli siyang singilin ng jeweler ay sinabi ni misis na wala pa sa kanya ang perang pambayad dahil ginamit daw sa kampanya para sa eleksyon. Ito ba ang “Tuwid Na Daan?”
Dahil sa pangyayaring ito ay magpapasaklolo na sa isang Cabinet member ang kampo ng jeweler na pinagtataguan para maobliga na magbayad ang pasikat na misis ni Usec.
Ang Misis ni Usec na mahilig sa promise para takasan ang kanyang obligasyon ay si Madam A.G….as in
Ang Galing!