HINDI pa man pormal na naipoproklama ang kanyang ama bilang bagong pangulo ng Pilipinas, may hamon na agad si Sara Duterte sa mga Pinoy na kontra sa kandidatura ni Mayor Rodrigo Duterte.
Sa kanyang Instagram account, nag-post ang anak ni Digong ng isang litrato niya na nagpapakalbo kalakip ng isang mensahe para sa mga taong kumuwestiyon sa kakayahan ng kanyang ama na pamunuan ang Pilipinas.
Sey ni Sarah sa caption ng kanyang IG photo, “Sino yung nagsabi na magpa-kalbo sila kung manalo si Digong? It’s your time to shine, kaya ninyo ‘yan. “Konting kembot at todo dasal ako ngayon at parang feeling ko kalbo na kayo by next week. Kami noon, kayo na naman ngayon. Ganyan lang ang buhay. Thank you sa prayers ninyong lahat,” aniya pa.
Kahapon, habang sinusulat namin ang balitang ito, nangunguna pa rin sa unofficial and partial tally of votes si Duterte na nakakuha na ng mahigit 15 million votes. Sinundan siya ni Mar Roxas na may mahigit 9 million votes at ikatlo naman si Sen. Grace Poe with more than 8.5 million votes.
Kung matatandaan, nagpakalbo noong October, 2015 si Sara pati ang kanyang mga kapatid at ilang mga tagasuporta bilang suporta sa presidential bid ni Digong. May mga nagkomento noon na magpapakalbo rin daw sila kapag nanalo si Duterte bilang presidente.
Ang kapatid naman ni Sarah na si Sebastian ay nag-post din ng message sa kanyang Twitter account tungkol sa napipintong pagkapanalo ng kanyang ama sa pagkapangulo. Anito, “Sure win na tayo mga Pinoy! Maraming Maraming Salamat po sa inyong lahat! #DuterteNewPresident #Election2016!”
Matapos kumalat ang challenge ni Sara Duterte sa mga anti-Rody kaliwa’t kanan bakitos agad ang natanggap nito mula sa ilang netizens. Masyado naman daw assuming ang anak ni Digong, sana’y hintahin daw muna nito ang official proclamation ng Comelec bago siya maghamon ng kung anu-ano.
Sana raw ay maging mapagkumbaba na lang si Sara sa pagkapanalo ng kanyang tatay dahil baka makarma agad ang kanilang pamilya sa sobrang kayabangan. Siyempre, hindi na naman nagpatalbog ang mga tagapagtanggol ni Digong at um-agree sa hamon ni Sarah. Sabi nga ng isa, “Gusto lang niyang ipamukha sa mga kumuwestiyon sa kakayahan ni Rody ang kanilang mga pinagsasasabi noon.”
Chika naman ng isa pang Duterte supporter, “O, ngayon kayo umepal! Tingnan ko lang kung saan kayo pupulutin. Mag-ingat-ingat kayo sa mga sasabihin n’yo about Duterte dahil presidente na siya. Magtulungan na lang kasi kesa kung anu-ano pa ang sinasabi.”