Bigating Kanong sabungero, banta sa World Slasher

ISANG Amerikano na institusyon sa larangan ng sabong ang itinuturing na malaking banta sa mga kalahok sa ikalawang pasabong ng 2016 World Slasher Cup 8-Cock Invitational Derby na gaganapin mula Mayo 26 hanggang Hunyo 1.

Kinatatakutan ng mga Pinoy at kapwa Kano, si Gene Batia ay pinaniniwalaang banta sa kampanya nina Engr. Sonny Lagon at Atty. Art de Castro na nagkampeon sa unang yugto ng 2016 World Slasher Cup na isinagawa nitong Enero.

Itinuturing na malaking hadlang din ito sa kampanya ni Joey Sy, ang 2015 World Slasher Cup-2 champion. Sikat sa kanyang mga Gene Batia Sweaters at Golden Monkey bloodline , si Batia ang may-ari ng Guf Haven Gamefarm sa Mississippi, USA.

Umaatikabong labanan ang magaganap sa dalawang magkahiwalay na 2-cock eliminations kung saan ang pinakamahuhusay na sasabungin buhat sa iba’t ibang panig ng mundo ay magpapakitan ng gilas sa Mayo 26 at 27. Ito ay susundan ng mas kapana-panabik na aksyon sa semi-finals sa Mayo 28 at 29.

Ang mga kalahok na aahong may 2, 2.5 at 3 puntos mula eliminations at semi-finals ay maghaharap sa 4-cock pre-finals kung saan sasabog ang matitinding aksyon sa Mayo 30 at 31. World-class na mga labanan ang magaganap sa pag-abante ng mga undefeated entries na may iskor na 3.5 o 4 na puntos sa 4-cock grand finals sa Hunyo 1.

Ang entry fee ay itinakda sa P88,000, habang ang minimum bet naman ay P33,000.

 

Read more...