Laro Ngayon (Smart Araneta Coliseum)
7 p.m. Alaska vs Rain or Shine
MATAPOS mabigo sa Congressional race sa unang distrito ng Pampanga, ay may isa pang laban na kakaharapin si Rain or Shine coach Yeng Guiao. Pero sa sagupaang ito, llamado ang Elasto Painters.
Pakay ngayon ng Rain or Shine na makuha ang 3-0 bentahe sa best-of-seven series ng Oppo PBA Commissioner’s Cup championship kontra Alaska Milk umpisa alas-7 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Salamat sa buzzer-beating jumper ni Paul Lee sa Game Two ay may 2-0 lead na Rain or Shine at nais ni Guiao na malubog pa sa 0-3 ang Alaska sa layunin ng Rain or Shine na makatikim uli ng kampeonato sa liga mula 2012.
Natalo sa kanyang reelection bid si Guiao kay Carmelo Lazatin at nangakong tututukan na niya ang kampanya at maging ang mga ensayo ng kanyang koponan sa PBA Finals. Inaasahan din ni Guiao na babalikwas ngayon ang Aces pero aniya, hindi niya hahayaang makabalik pa sa serye ang Alaska.