Anak ni Marcos 2 presidente ang ibinoto; boto hindi mabibilang

bongbong-marcos
HINDI mabibilang ang boto ng anak ni Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pagka-pangulo matapos magkamaling dalawang pangalan ang kanyang binoto.
Bumoto ang 21-anyos na si Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos kasama ang kanyang nanay na si Liza at tiyahin na si Aimee sa Calayab Elementary School sa Laoag City ganap na alas-7:30 ng umaga.
Habang sinasagutan ang kanyang balota, tumayo siya at humiling ng panibagong balota sa isa sa mga Board of Election Inspectors (BEI).
Makikita sa video na sinasabihan si Marcos na hindi na siya maaaring bigyan ng panibagong balota dahil hindi naman ang mga BEIs ang nagkamali.
“Hindi po namin yun pwede i-cancel…Ituloy mo na lang sir. Kung kasalanan namin papalitan namin, pero kung kayo po hindi,” sabi ng isa sa mga BEIs.
Matapos makaalis si Marcos, ibinunyag ng isa sa mga BEIs na dalawa ang binilugan ng batang Marcos para sa pagkapresidente.
Niliwanag naman ng BEI na ang boto lamang ni Marcos para sa pagka-pangulo ang hindi mabibilang.
Itinanggi naman ni Marcos na nagkaproblema siya sa kanyang balota sa pagsasabing kinakabahan siya kayat naitupi niya ito.
“I was just a little bit nervous. It was my first time voting so I just wanted to make sure I got everything right. I thought folding it would invalidate it but apparently It wouldn’t so I was fine. I was nervous. I didn’t wanna mess up,” sabi ni Marcos.
Kasabay naman ng batang Marcos ang kanyang ama pabalik ng Maynila.
“I’m glad I was able to come home to be able to exercise my right,” dagdag ng batang Marcos. Inquirer.net

Read more...