10 na patay sa pagbubukas ng eleksiyon sa Cavite

SAMPU katao ang napatay matapos pagbabarilin sa magkahiwalay na insidente sa dalawang bayan ng Cavite bago pa magsimula ang eleksiyon Lunes ng umaga.
Pito katao ang pinagbabaril sa Brgy. Wawa 3, Rosario, dakong alas-12:10 ng madaling-araw Lunes, sabi ni Supt. Chitadel Gaoiran, tagapagsalita ng Calabarzon regional police.
Tatlo sa kanila ay nakilala bilang sina Arniel Sharief, Farhan Datu Imam, at Ramon Tuazon.
Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng iba pang nasawi, habang ang sugata’y nakilala bilang si Fatar Mampon.
Samantala, inulat ng Cavite provincial police na tatlo pang lalaki ang natagpuang patay sa bayan ng Tanza Linggo ng umaga matapos ding pagbabarilin.
Natagpuan ng mga residente ang bangkay ng tatlong di pa kilalang lalaki sa kalsada ng Sitio Sampalukan, Brgy. Lambingan, dakong alas-4 ng umaga.
Nakabalot at nakagapos ng masking tape at lubid ang mga mukha’t kamay ng mga lalaki, na pawang may mga tama ng bala sa noo, ayon sa ulat.
Nakarekober ang mga rumespondeng pulis ng isang slug at limang basyo ng bala sa pinangyarihan.
Inaalam pa ng mga imbestigador ang pagkakakilanlan at motibo ng mga salarin.

 

Read more...