Foton nagpakitang-gilas sa 2016 PSL Beach Volleyball Challenge Cup

NAGPAMALAS ng pinaka-impresibong paglalaro ang pares ng Foton Toplander nina Cherry Rondina at Patty Orendain sa pagbigo sa Accel Quantum Plus nina Aileen Abuel at Princess Listana, 21-3, 21-7, sa pagsisimula ng 2016 PSL Beach Volleyball Challenge Cup sa Sands SM By The Bay.

Kinailangan lamang ng 19-anyos mula Compostella National High School at 2nd year sa University of Santo Tomas na si Rondina at 22-anyos Hospitality and Management graduate sa USLS-Bacolod na si Orendain ang 25 minuto upang iuwi ang unang panalo sa Pool C kontra Abuel at Listana.

“Medyo nag-aadjust pa rin kami ni Cherry (Rondina). Ilang beses pa lang kasi kami tumuntong sa buhangin,” sabi ni Orendain, na kapareha ni Fiola Cebalos ay pumangalawa noong nakaraang taon sa kakampi na nasa una pa lamang nitong taon sa liga matapos na kunin ang serbisyo ng defending PSL Grand Prix na Foton nito lamang Abril.

Agad naman nagwagi ang pares nina RC Cola-Army B Jeannie Delos Reyes at Genie Sabas kontra kina Jasmine Alcayde at Angelica Dacaymat ng UE-Manila, 21-18, 21-13, sa Pool A.

Inabot lamang ng 35-minuto ang laban ng 28-anyos mula USJR Cebu at Commerce Business Administration graduate na si Sabas at ang 22-anyos na si Delos Reyes, mula Business Administration sa CPU Iloilo at nasa pitong buwan pa lamang sa Army.

Magaan din na nagwagi ang pareha nina Maica Morada at Ces Molina ng Petron Sprint 4T kontra kina Florence Madulid at Pauline Genido ng Philippine Navy-B, 21-17, 21-14, habang tinalo nina Bernadeth Pons at Kyla Atienza ng FEU-Petron ang pares nina Jonafer San Pedro at April Ross Hingpit ng Meralco, 21-14, 21-12.

Hindi naman nahirapan ang pares nina Sheila Pineda at Aiza Maizo-Pontillas ng Petron XCS matapos na umayaw na sa torneo ang pareha nina Shaira Hermano at Niella Ramilo mula sa Mapua, 21-0, 21-0, sa Pool C.

Siniguro naman ng Standard Insurance-Philippine Navy A nina Norie Jean Diaz at Pau Soriano ang pag-usad sa quarterfinals sa una nitong laro matapos daigin ang pares sina Delos Reyes at Sabas ng Army B, 21-18, 24-22, para sa unang panalo.

Read more...