PH tracksters humakot ng 5 ginto sa Asian Masters

INUWI ni Lerma Bulauitan-Gabito ang ginto sa women’s long jump (women’s 40) habang inangkin muli ni Erlinda Lavandia ang gintong medalya sa women’s shot put (60-64) upang pamunuan ang Pilipinas sa paghakot ng limang ginto, tatlong pilak at dalawang tanso sa ikalawang araw ng kumpetisyon sa 19th Asian Masters Athletics Championships na isinasagawa sa National Stadium sa Kallang, Singapore.

Naghagis si Lavandia ng layong 8.10 metro upang talunin ang mga karibal na sina Narantsetseg Galsandoj ng Mongolia (7.51m) na nagkasya sa pilak at si Manjit Kaur ng India na iniuwi ang tanso (7.42m).

Ang ginto ay ikalawa ni Lavandia sa torneo matapos unang magwagi sa javelin throw sa unang araw ng torneo.

Nabigo naman itong pantayan ang kanyang nauwing tatlong ginto nakaraang taon matapos magkasya sa pilak na medalya sa hammer throw sa inihagis nitong 22.68m.

Itinala naman ni dating Asian Championships gold medalist Marestella Torres ang bagong competition at age group sa pagsungkit sa gintong medalya sa women’s long jump (35-39) sa tinalon nito na 6.41m.

Hindi naabot ni Torres, na kumpirmado na makapaglaro sa 2016 Rio de Janeiro Olympics base sa universality concept, ang qualifying standard na 6.71 metro sa kanyang natalon.

Nag-ambag din ng ginto at pilak sina Eduardo Buenavista at Julius Sermona sa men’s 10,000m run (35-39) matapos na itala ang 1-2 finish.

Isinumite ni Buenavista ang 34 minuto at 38.46 segundo para sa ginto habang ikalawa si Sermona na may 35:53.86. Tumulong din sa gintong medalya sina Danilo Fresnido sa men’s javelin throw 40-44 (63.45m) at Joebert Delicano sa men’s triple jump 35-39 (14.03m).

Nakapilak din si Ma. Jeanette Obiena sa women’s short hurdles 45-49.

Read more...