MULING pinatunayan ng Prince and Princess of Philippine TV na sina James Reid at Nadine Lustre ang kanilang box-office appeal matapos tumabo sa takilya ang kanilang latest movie na “This Time” under Viva Films. Patuloy na pinipilahan ngayon ng milyun-milyong JaDine fans ang nasabing pelikula na balitang humamig ng mahigit P15 million sa opening day.
In fairness, hindi binigo ng isa sa mga pambatong loveteam ng Kapamilya network ang kanilang mga tagasuporta dahil napakaganda at makatotohanan ang pagkakagawa ni direk Nuel Naval sa pelikula at pagkakasulat ng award-winning na si Mel del Rosario. Kaya hindi na nakapagtataka kung bakit binigyan ito ng Grade A ng Cinema Evaluation Board.
Trending ngayon ang pelikula sa social media at kahit saan kami magpunta, ito rin ang pinag-uusapan ng mga kabataan na kilig na kilig sa kuwento nina Coby (James) at Ava (Nadine). Simula pa lang ng pelikula ay hiyawan na ang mga kasabay naming nanood ng “This Time” sa SM Megamall kaya nakikisigaw na rin kami para hindi kami ma-OP (out of place). Ha-hahaha!
Magkababatang pilit na pinaglalayo ng panahon pero lagi namang pinagbubuklod ng matinding pagmamahal para sa isa’t isa ang kuwento nina Coby at Ava. Siguradong maraming makaka-relate sa sitwasyon ng dalawang bagets lalo na yung mga involved sa long-distance relationship. Tuwing summer lang kasi nagkikita ang karakter ng dalawang bida.
Nakaka-touch naman ang labis na pagmamahal at pagmamalasakit ni James sa kanyang lolo na ginagampanan ni Freddie Webb, at waging-wagi rin ang mga punchlines at mga nakakatawang eksena nina Candy Pangilinan at Al Tantay.
Nakakaaliw rin ang pagganap ng bading ni Ronnie Lazaro, ang may-ari ng tindahan kung saan unang nagkakilala sina Coby at Ava. In fairness, may sarili ring moment ang love story nila ng kanyang boyfriend na bigla na lang naglaho na ginampanan ng award-winning actor na si Michael de Mesa. At sure na sure kaming paghuhugutan din ito ng mga beki!
Gustung-gusto rin namin ang mga kilig scenes na kinunan sa Saga, Japan – ang ganda at super romantic ng lugar kaya winner na winner ang mga “hugot” moments doon ng JaDine lalo na ang eksena kung saan umamin na sila sa tunay nilang feelings habang nasa gitna ng cherry blossoms park at pinanonood ang paghihiwalay nina Freddie Webb at Nova Villa.
Isa rin sa dapat n’yong abangan ay ang mga inspiring scenes ni Nadine sa isang art school sa Japan, kung saan naging exchange student ang karakter niyang si Ava. Sigurado namang mag-eenjoy ang mga bagets sa tinawag na “millennial” technique ni direk Nuel kung saan gumamit siya ng Snapchat elements at ang dramatic touch ng splitscreen.
Pero para sa amin, ang talagang magic ng “This Time” ay ang ending nito na very colorful and inspiring. Nakaka-good vibes at nakakabata ang feeling kaya paglabas mo ng sinehan ay ang gaan-gaan ng pakiramdam mo at parang in love ka na rin kahit hindi. Ha-hahaha!
Hindi na siyempre namin ikukuwento kung paano nagtapos ang love story nina Ava at Coby para naman ma-enjoy n’yo rin ang movie. Basta hindi lang ito para sa mga kabataang fans nina James at Nadine, pwede rin ito para sa mga bagong kasal, bagong magkarelasyon at mga senior citizen! ‘Yun na!