PAHINGA na ngayon ang kampanya. Ceasefire na. Bukas ay isusulat na ng sambayanang Pinoy sa balota ang mga pangalan ng mga pulitikong sa kanilang palagay ay magbibigay ng positibong pagbabago sa ating bayan.Sa mahaba-haba ring panahon ng kampanya ng iba-ibang partido ay maraming kuwentong babalikan ang maraming personalidad. ‘Yun ang mga kakuwanan ng iba nilang kasamahan na nagpairal talaga ng kaartehan sa pagsalang sa entablado de kampanya.
Nangunguna na sa kuwento ang isang magaling na male singer na okey-okey lang nu’ng mga unang gabi pero biglang nagbago ang kulay nang mga huling gabi na ng kampanya. Kuwento ng aming source, “Nu’ng mga unang gabi, e, okey na okey siya, walang kaarte-arte sa katawan, saka impernes, malakas kasi talaga siya sa audience dahil masaya siyang mag-show at marami siyang gimik sa stage.
“Puring-puri siya ng buong production dahil tahimik lang siya, basta nakaupo lang siya sa waiting area, naghihintay ng pagsalang niya. “Pero habang tumatagal ang kampanya, e, para na siyang transformers! Nagbabagong-anyo na siya! Marami na siyang kung anu-anong hinihingi sa partidong ikinakampanya niya! Nag-uumarte na ang male singer!
“Nagpapadagdag na siya ng talent fee, hindi na niya sinunod ang unang usapan nila kung magkano ang TF lang niya gabi-gabi halos sa kampanya. Halos kalahati ng talent fee niya ang hinihingi ni ____ (pangalan ng male singer) dahil ganu’n daw talaga siya. “Iba ang TF niya sa simula, pero kapag patapos na ang kampanya, e, nagdadagdag na siya nang forty percent. Ganu’n na ganu’n!” napapailing na kuwento ng aming source.
Dahil patapos na rin naman, saka dahil malakas naman siyang manghatak ng audience, pumayag na rin sa gusto niya ang mga staff ng partido. “Hay, naku! Bradly Guevarra, kung gusto mong gumulo ang iyong buhay, humanap ka ng singer na ganyan, getlak mo na kung sino siya?” pagtatapos ng aming impormante.