Mga employer pinaalalahan sa tamang pasahod sa election day

PINAALALAHANAN ng Department of Labor and Employment (DOLE)mga employer na payagan ang kanilang mga manggagawa sa pagtupad ng kanilang tungkulin at karapatan na bumoto sa nasabing araw.

Idineklara ni Presidente Benigno S. Aquino III, sa ilalim ng Proclamation No. 1254 noong 25 Abril, ang Mayo 9 bilang special non-working holiday upang payagan ang publiko na makapunta sa mga voting precinct para makaboto sa nasabing araw.

Ang patakaran sa 9 Mayo, isang special non-working holiday, ay ipatutupad sa buong bansa
Sa ilalim ng patakaran ng DOLE, dapat sundin ang mga sumusunod tuwing special non-working holiday:

Nakasaad sa patakaran na kapag ang empleyado ay hindi nagtrabaho, “no work, no pay” na alituntunin ang dapat ipatupad, maliban na lamang kung may polisiya ang kompanya o collective bargaining agreement (CBA) na nagbibigay ng sahod para sa nasabing araw.

Kung nagtrabaho sa nasabing araw, ang empleyado ay dapat makatanggap ng karagdagang 30 porsiyento ng kanyang arawang kita para sa unang walong oras ng kanyang trabaho. Arawang sahod x 130 porsiyento + COLA ang dapat sundin;

Para sa trabaho na higit sa walong oras (overtime work), babayaran ang empleyado ng karagdagang 30 porsiyento ng kanyang orasang kita para sa nasabing araw. Ang tamang kuwenta ay: Orasang kita ng kanyang arawang sahod x 130% x 130% x bilang ng oras na trinabaho.

Para sa trabahong ginampanan sa nasabing araw at ito rin ay araw ng pahinga ng empleyado, sila ay dapat bayaran ng karagdagang 50 porsiyento ng kanyang arawang kita para sa unang walong oras na trabaho. Arawang kita x 150% + COLA ang dapat sundin.

Para sa mahigit na walong oras na trabaho (overtime work) sa nasabing araw at ito rin ay araw ng pahinga ng empleyado, dapat silang bayaran ng karagdagang 30 porsiyento ng kanilang orasang kita sa nasabing araw, ang kuwenta ay: orasang kita ng kanyang arawang sahod x 150% x 130% x bilang ng oras na trinabaho.

Read more...