SABI ng dating senador at ngayon ay Red Cross chairman na si Dick Gordon na dapat ay kamay na bakal ang gamitin laban sa Abu Sayyaf.
Ani Gordon, na tumatakbong senador uli, kung hindi masupil ng gobiyerno ang bandidong grupo baka ang ibang gobiyerno ang gagawa niyan para sa atin.
Sa ginagawa ngayon ng Abu Sayyaf na dinudukot at pinapatay ang mga banyaga at hindi kumikilos ang pamahalaan, hindi malayo na papasok ang elite military forces ng ibang bansa upang iligtas ang kanilang mga mamamayan.
Kapag nagkagayon, malaking kahihiyan ang idudulot sa atin. Ang magiging tingin sa atin ay bansa ng mga duwag.
Ang gobiyernong papalit sa kasalukuyang administrasyon ay maging marahas sa mga Abu Sayyaf na pumapatay ng walang awa ng kanilang mga bihag.
Yan ang lengguahe na alam ng Abu Sayyaf.
Pinagtatawanan nila ang gobiyerno ni Pangulong Noynoy na papatay-patay.
Pero kailangan din ng susunod na administrasyon na palaguin ang kabuhayan at edukasyon ng mga kapatid nating Muslim who have been neglected for generations.
Hindi sana mangyayari ang pagpugot kay John Ridsel, isang Canadian, noong April 25 kung walang habas na hinabol ng militar ang kanyang mga bihag nang siya at kanyang mga kasamahan ay dinukot sa isang resort sa Samal Island sa Davao del Norte.
Dapat ay ginamit ng gobiyerno ang resources ng Armed Forces sa Mindanao sa Abu Sayyaf matapos madukot sina Ridsel.
Ang kahinaan ng liderato ni Pangulong Noynoy—at maging yung kay Gloria Macapagal-Arroyo—ang nagbunsod sa Abu Sayyag na magsagawa ng kidnapping for ransom.
Noong panahon ni Pangulong Marcos, walang mga kidnapping group na gaya ng Abu Sayyaf ang namamayagpag.
Kung meron man ay bigla silang nalilipol.
Noong panahon ni Marcos, the military played the Moro kidnappers’ kind of game: ang “lost command” ng Armed Forces ay nagsagawa ng pagdukot sa mga kamag-anak ng mga kidnappers upang ipalit sa kanilang mga bihag.
Malagim ang dinanas ng mga kamag-anak ng mga kidnappers na Moro sa kamay ng lost command kapag pinatay nila ang kanilang mga bihag.
Kaya’t walang kidnapping na nagaganap sa mga lugar ng mga Moro noong panahon ni Marcos.
Dahil isinoli na ng casino junket operator na si Kim Wong sa gobiyerno ang pang-huling batch ng perang kanyang ipinangako na isosoli, wala nang dahilan ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) na hindi ibasura ang kanyang kaso sa korte.
Ang panghuling batch ng pera na isinoli ay P250 million na bahagi sa nanakaw ng mga hackers sa Bangladesh central bank at napunta sa bansa.
Bago niyan ay isinoli ni Wong ng hulugan ang perang napunta sa kanya: $4.6 million; ang pangalawa ay P38 million; pagkatapos ay P200 million; at nito ngang huli ay P250 million.
Siguradong nahirapan si Wong na isoli ang malalaking halaga dahil naigastos na niya ang mga ito sa operation ng kanyang junket business.
Pero pinagtiyagaan niyang isinoli ang pera.
Hindi alam ng negosyanteng Tsinoy na galing sa nakaw ang ibinayad sa kanya ng mga panauhin niyang big-time gamblers.
At nang malaman niya ay walang pag-alinlangang isinoli niya ang pera na natanggap niya.
Kilala ko si Kim mula nang siya’y 16-anyos na errand boy ng isang girlie bar sa Malate, Manila noong 1980.
Sinabi sa akin ng kanyang boss noon na si Sofio Tiu na ang batang si Kim ay mapagkatiwalaan sa pera.
Hindi nagbago si Kim sa kanyang pagiging honest mula noon.