Roxas humirit ng dayalogo kay Poe; senadora nagsabing hindi aatras
Leifbilly Begas - Bandera May 06, 2016 - 06:40 PM
Nanawagan ang administration presidential candidate na si Mar Roxas sa kalabang si Sen. Grace Poe ng isang dayalogo upang mapigilan umano ang pagbabalik ng diktaturya sa bansa.
Nagpatawag ng press conference si Roxas kahapon ng hapon sa Balay, Quezon City at dito niya ginawa ang panawagan kay Poe.
“I call for unity. I call for decency. I call for democracy. I call for the rule of law. I call on Senator Grace Poe. Grace, mag-usap tayo. I will adjust schedules to your convenience. Sabihin mo lang kung saan at kailan at darating ako. This is for unity. This is for our country. This is for our future,” ani Roxas.
Dagdag pa ni Roxas: “Sa tingin ko naman, sang-ayon ang lahat: Mas mahalaga ang kinabukasan ng ating bansa, kinabukasan ng ating mga kababayan, kaysa political career ng kahit sinomang politiko o kandidato.”
Sinabi ni Roxas na nagkahati-hati ang bansa dahil sa halalan at maraming mamamayan ang nababahala sa magiging kahihinatnan ng halalan.
“Uncertainty and the specter of a dictatorship are looming over our country once again,” ani Roxas. “Sa harap ng lahat ng ito, responsibilidad ng sinumang nagnanais na mamuno ng ating bansa na pag-isipan ang interes ng pangkalahatan, pag-isipan ang pangangailangan ng ating bansa.”
Ayon naman kay Poe walang problema sa kanya na makipag-usap kay Roxas pero ang malinaw umano ay ‘hindi ako umaatras sa laban’.
“Anytime pwede namang mag-usap, pero sa puntong ito, ano pa ba ang pag-uusapan natin?” ani Poe. “Kung talagang maluwag ang kanyang loob, at naniniwala siya na aatras siya para malakas ang aming puwersa okay lang sa akin.”
Sinabi ni Poe na tinuruan siya ng kanyang ama na huwag sumuko sa laban at naniniwala siya na magdedesisyon ng tama ang mga botante.
Kung gusto umanong manalo ni Roxas hindi umano si Poe ang dapat nilang gamitin para makamit ito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
What's trending