MAGLALAGABLAB sa nakatakdang kabuuang 12 laban nang pinakamagaganda at pinakamahuhusay na beach volley players ng bansa ang buong araw ng Sabado sa pagsambulat ng 2016 Philippine Superliga (PSL) Challenge Cup beach volleyball tournament sa Sands at SM By the Bay sa Mall of Asia.
Magsisimula ang aksyon ganap na alas-7:30 ng umaga tampok ang pinakaunang salpukan sa pagitan ng RC Cola-Army B nina Jeannie Delos Reyes at Genie Sabas kontra Jasmine Alcayde at Angelica Dacaymat ng UE-Manila sa ikalawang edisyon ng torneo na suportado ng SM By the Bay, Petron, Foton, Accel, Mikasa, Senoh at Island Rose.
Susundan ito ng salpukan sa pagitan ng pares nina Maica Morada at Ces Molina ng Petron Sprint 4T kontra kina Florence Madulid at Pauline Genido ng Philippine Navy-B sa ganap na alas-8:15 ng umaga bago ang sagupaan ng pares nina Cherry Rondina at Patty Orendain ng Foton kontra kina Aileen Abuel at Princess Listana ng Accel.
Sasagupain nina Jonafer San Pedro at April Ross Hingpit ng Meralco ang tambalan nina Bernadeth Pons at Kyla Atienza ng FEU-Petron bago harapin nina Sheila Pineda at Aiza Maizo-Pontillas ng Petron XCS ang tambalan nina Shaira Hermano at Niella Ramilo ng Mapua.
Makakatapat ng Navy A nina Norie Jean Diaz at Pau Soriano sa una nitong laro ang pares nina Delos Reyes at Sabas ng Army B na sasabak sa ikalawa nitong laban ganap na ala-11 ng umaga.
Magpapahinga sandali bago magbalik ganap na ala-1 ng hapon ang aksyon sa pagitan nina San Pedro at Hingpit ng Meralco kontra Cignal Team Awesome nina Vhima Condada at Mary Grace Berte. Magbabalik din sa ikalawa nitong laro ang FEU Petron kontra sa Petron Sprint sa alas-3 ng hapon.
Susundan ito sa unang pagsabak nina Danica Gendrauli at Aby Maraño ng F2 Logistics kontra sa tambalan nina Morada at Molina ng Petron Sprint na susundan ng pagbabalik para sa kanilang ikalawang laban ng Foton nina Rondina at Orendain kontra sa Mapua nina Hermano at Ramilo.
Magkakasagupa muna ang Accel Quantum Plus nina Abuel at Lista na makakatapat naman ang pareha nina Pineda at Pontillas ng Petron XCS bago ang tampok na laro sa pagitan ng kinukunsiderang team to beat na pares nina Jovelyn Gonzaga at Nerissa Bautista ng RC Cola Army-A kontra kina Vhima Condada at Mary Grace Berte ng Cignal.