Toronto Raptors itinabla ang semis series kontra Miami Heat

TORONTO — Binawian ng Toronto Raptors ang Miami Heat sa overtime, 96-92, para itabla ang kanilang NBA Eastern Conference semifinal series sa tig-isang panalo kahapon.

Umiskor si DeMarre Carroll ng 21 puntos habang si Jonas Valanciunas ay gumawa ng 15 puntos at 12 rebounds.

Nagtala si Valanciunas ng 11 puntos at pitong rebounds sa ikaapat na yugto at overtime.

Si DeMar DeRozan ay kumana ng 20 puntos, si Kyle Lowry ay nagdagdag ng 18 puntos at si Terrence Ross ay nag-ambag ng 10 puntos para sa Toronto, na rumatsada sa huling bahagi ng ikaapat ng yugto para maipuwersa ang ikalawang overtime ng serye at mapigilan ang Heat sa  pagsisimula nito.

Umiskor si Goran Dragic ng 20 puntos habang sina Dwyane Wade at Joe Johnson ay may tig-17 puntos para sa Heat. Si Hassan Whiteside ay nagtala ng 13 puntos at 13 rebounds at si Luol Deng ay nag-ambag ng 12 puntos.

Ang Game 3 ay gaganapin bukas sa Miami.

Angat ang Heat sa 77-70 sa kalagitnaan ng ikaapat na yugto subalit gumawa ng back-to-back baskets si Valanciunas para tapyasin ito sa 80-78 may 3:18 ang nalalabi. Tumira naman si Ross ng jumper para itabla ang iskor may 2:01 ang natitira sa laro.

Sumablay si DeRozan sa kanyang free throws may 1:22 ang nalalabi subalit nahablot ni Valanciunas ang rebound at nakaiskor sa tip-in para ibigay sa Toronto ang 82-80 kalamangan. Matapos ang sablay na tira ni Wade, nakaiskor si Lowry mula sa pull-up jumper may 45 segundo ang nalalabi para ibigay sa Raptors ang apat na puntos na kalamangan.

Bumira si Wade ng 3-pointer para tapyasin sa isang puntos ang kalamangan ng Raptors bago sagutin ito ni Lowry ng isa pang jumper may 14.9 segundo ang natitira at iangat ang Toronto sa 86-83. Matapos ang Miami timeout, itinabla ng tres ni Dragic ang laro may 10.5 segundo ang nalalabi.

Kinapos naman ang 3-point attempt ni Lowry para mauwi sa overtime ang laro.

Read more...