NASA huling mga yugto na ng kampanya, at tatlong tulog na lang ay ihahalal na natin ang mga taong pinaniniwalaan nating magiging kapakinabangan ng bayan.
Dahil iilang araw na nga lang ang nalalabi, ang tanong ay kung nakapagdesisyon ka na ba? Natimbang mo na ba ang mga taong paglalaanan mo ng pinakamahalaga mong boto?
Sana ang botong ibibigay mo ay pakikinabangan mo at ng iyong mahal sa buhay sa pangmatagalang panahon. Maasahan mo sa anumang oras, at hindi lang sa panahon ng kampanyahan.
Sana ang iboboto mo ay hindi lang dahil siya ay sikat, uso o nangunguna sa mga survey, kundi dahil sa kanyang integridad, kapasidad, kakayanan at katapatan.
Sana ang iboboto mo ay hindi dahil siya ang madalas mong makita at marinig sa mga patalastas sa telebisyon, radyo at dyaryo, o sikat sa Facebook at Twitter.
Sana ang iboboto mo ay hindi dahil ito ang dikta ng iyong grupong kinabibilangan, o sulsol ng iyong pamilya, barkada o katropa.
Sana ang paglalaanan mo ng boto ay tunay na maglilingkod sa iyo at hindi siyang paglilingkuran; may puso para sa mahihirap at naghihikahos sa buhay, sila na salat hindi lang sa materyal na bagay kundi sa mga oportunidad.
Sana ang iboboto mo ay may pagkalinga sa mga manggagawang isang-kahig-isang-tuka; sa mga overseas Filipino workers na bibigyan ng pagkakataon na magkaroon ng trabaho rito sa bansa kaysa sa ilako ang mga ito sa ibayong dagat para doon makakuha ng mas magandang trabaho.
Sana ang iboboto mo ay hindi lang puro ngawa pero wala namang naibubuga pa; pero sana naman marunong namang magsalita, makipag-pingkian at makipag-debate lalo pa kung siya ay may kinalaman sa paggawa ng batas.
Sana ang iboboto mo ay kayang panindigan ang kanyang mga ipinapangako at sinasabi, pero ‘pag nagkaipitan ay kaya kang ikompromiso.
Sana ang iboboto mo ay may malasakit at paggalang sa kapaligiran.
Sana ang iboboto mo sa partylist ay tunay na magre-represent ng isang marginalized sector.
Sana ang iboboto mo ay may tunay na pagmamahal sa bayan, kaya niya itong ipagtanggol at hindi isusuko kahit kanino.
Sana lang ang iboboto mo ay talagang karapat-dapat at hindi kayang tapatan nang kahit na anumang halaga.