BINIGYAN ng Department of Justice (DOJ) ang casino junket operator na si Kim Wong at dating Rizal Commercial Banking Corp. (RCBC) Jupiter Street, Makati branch manager Maia Santos-Deguito hanggang alas-5 ng hapon ngayong araw para sagutin ang kasong kriminal na inihain ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) kaugnay ng $81-milyong na ninakaw mula sa mga Bangladesh Bank (BB).
Nauna nang humingi ang dalawang akusado ng isang lingGo para makapaghain ng counter-affidavit matapos namang magsampa ang AMLC ng ikatlong kaso laban naman sa mga may-ari ng remittance firm na Philrem Service Corporation (Philrem), ang mag-asawang sina Salud R. Bautista at Michael “Concon” S. Bautista, na sila rin ang presidente at treasurer ng kompanya.
Kasama rin sa kinasuhan ay si Anthony A. Pelejo, Philrem Anti-Money Laundering Compliance Officer.
“Sinasabi lang namin kelangan ng fair play dito at simultaneous filing kase halos pareho ng alegasyon at mukhang tingin namin mako-consolidate ang kaso ng Philrem sa kaso ni Mr. Wong at Ms. Deguito,” sabi ni Atty. Kristoffer James Purisima, abogado ni Wong.
Binatikos naman ng abogado ni Deguito na si Atty. Ferdinand Topacio ang paisa-isang paghahain ng kaso ng AMLC, kasabay ng kanyang hamon na kasuhan din ang mga executive ng RCBC.
Pumasok ang ninakaw na pera matapos idinaan sa RCBC.
Samantala, kinasuhan din ang iba pang mga akusado na sina Weikang Xu, Michael Francisco Cruz, Jessie Christopher M. Lagrosas, Alfred Santos Vergara at Enrico Teodoro Vasquez, ang mga account kung saan inilipat ang pera mula sa Bangladesh Bank, bagamat ayon sa AMLC ay pawang mga alyas lamang ang ginamit. Inquirer.net