Gov kinasuhan sa iligal na paggamit ng calamity fund

office-of-the-ombudsman
Kakasuhan ng Office of the Ombudsman si Negros Oriental Gov. Roel Degamo kaugnay iligal umanong paggamit ng P480 milyong calamity fund na para sa nasalanta ng bagyong Sendong noong 2011 at magnitude 6.9 lindol noong 2012.
Inaprubahan ni Ombudsman Conchita Carpio Morales ang pasasampa ng 11 kaso ng malversation at isang kaso ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act sina Degamo, provincial treasurer Danilo Mendez at provincial accountant Teodorico Reyes.
Nag-request umano si Degamo sa Department of Budget and Management na ipalabas ang pondo ng provincial government na nagkakahalaga ng P961.5 milyon. Sa naturang halaga P480 milyon ang agad na ibinigay.
Pero makalipas ang ilang araw ay sinabihan ng DBM na kanilang binabawi ang pondo dahil hindi umano nakasunod ang probinsya sa guidelines para sa pagpapagawa ng mga infrastructure projects.
Sa kabila nito, itinuloy ni Degamo ang pagbibigay ng mga kontrata na umabot sa P143.2 milyon ang halaga o 15 porsyento ng advance payment sa mga contractor.
Napansin ito ng Commission on Audit na nagpalabas ng 11 Notice of Disallowance dahil nagpalabas umano ng certification ang probinsya na mayroong pondo kahit na binawi na ito ng DBM.
“Their unilateral act of ignoring DBM’s authority is indicative of bad faith, manifest partiality and/or gross inexcusable negligence which caused undue injury to the government,” saad ng resolusyon ng Ombudsman.
Ang pondong ginamit ay para sa mga nasalanta ng bagyo at lindol.

Read more...