IBOBOTO ko ang kandidatong magbibigay ng inspirasyon at direksiyon sa bagong henerasyon na kinabibilangan ng aking mga anak. Gusto kong makita nila na ang kandidatong pinili ko ay hindi lamang dahil sa alam kong llyamado o tiyak ang panalo nito. Gusto kong makita nila na ang kandidatong aking ibinoto ay kandidatong puwede nilang ipagmalaki. Yung lumalaban sa mga tunay na laban ng buhay at naninindigan sa mga usapin na tunay na mahalaga sa bansa at sa mamamayan.
Gusto ko ‘yung kandidatong tunay na magbibigay kahulugan sa salitang lider.
Matagal na tayong may pangulo, ilan na ang nagdaan mula ng EDSA 1986. Kailangan na natin ngayon ng tunay na lider.
Sa darating na May 9, boboto ako bilang isang babae.
Iboboto ko ang kandidatong kikilala sa aking kalayaan at karapatan bilang isang babae.
Ang pasya ko ay kakatawan sa kung ano ang mga inaakala kong mga batayang paninindigan na magpapalakas at kikilala sa ambag ng kababaihan sa lipunan, sa kanyang pamilya gayundin sa pagpapaunlad ng kanyang sarili.
Sa darating na May 9, boboto ako bilang isang mamamahayag.
Iboboto ko ang kandidatong sa ganang akin ay nagpakita ng katapatan at tumindig sa katotohanan, at bilang mamamahayag sa mahabang panahon ay may kakayanan ako na makita o masuri kung sino ang nagsasabi ng kasinungalingan sa bayan o kung sino ang nanloloko lamang, mahalal lamang, mapangalagaan lamang ang kanya o kanilang interes.
Ang bibitiwan kong pasya ay kakatawan sa katotohanang nalaman ko at nakita ko.
Sa darating na May 9, boboto ako bilang isang Pilipino.
Iboboto ko ang kandidatong sa tingin ko ay tunay na nagpapahalaga sa kanyang pagiging Pilipino. Siya ang Pilipino na yayakap nang ganap sa hamon ng pangangailangan ng tulad na pagbabago na may kalakip na pag-unlad hindi ng iilan kundi ng mamamayan sa kabuuan.
Siya yung Pilipino na alam ang pinagdaanan ng mamamayan at ng bansa batay sa mga pahina ng nakaraan. Siya ang Pilipino na isasaalang-alang ang pinagdaanang mga pagsubok sa kasaysayan.
Sa darating na May 9, boboto ako para sa aking kapwa-tao.
Iboboto ko ang kandidatong nagpakita ng malasakit sa kanyang kapwa-tao. Ang kandidatong iyon ay may takot sa Diyos. Ang kandidatong iyon ay magtataguyod ng tunay na malasakit na hindi isang sigaw lamang sa entablado na parang iskrip lamang sa isang pagtatanghal.
Kailangang napatunayan na niya ito, naipamalas na niya ito.
Yan ang aking magiging pamantayan sa pagboto sa panguluhan, pangalawang panguluhan, mga senador at iba pang mga lokal na posisyon.
Sa Mayo 9, boboto ako. Nakapagpasya na ako.