Van nabangin; 6 patay 11 sugatan


Anim katao ang nasawi habang 11 pa ang nasugatan nang mahulog ang sinakyan nilang van sa isang bangin sa Maddela, Quirino, kaninang umaga, ayon sa pulisya.

Kabilang sa mga nasawi ang van driver na si Edgar Taccaban, na magdadala sana ng isang pamilya sa outing sa Aurora, sabi ni Chief Insp. Avelino Cuntapay, police-community relations officer ng Quirino provincial police.

Naganap ang insidente akong alas-2:30, sa isang zigzag road sa bulubunduking bahagi ng Brgy. Ysmael, sabi ni Cuntapay nang kapanayamin sa telepono.

Minamaneho ni Taccaban ang van (BVU-145) mula Cauayan City, Isabela, patungong Aurora, nang mahulog ito sa banging may lalim na 50-metro, malapit sa Disimungal Bridge, aniya.

Unang nasawi ang tatlong lalaki at dalawang babae. Isinugod ang 12 pang sakay ng van sa Quirino Provincial Medical Center ng Cabarroguis, ngunit binawian ng buhay ang isa sa mga ito, ani Cuntapay.

Lumabas sa imbestigasyon na nagloko ang preno ng van kaya nawalan ng kontrol sa manibela ang driver, aniya. (John Roson)

Read more...