Pilipinas naka-5 ginto sa Singapore Open trackfest

HUMAKOT ng kabuuang limang ginto, dalawang pilak at dalawang tansong medalya tampok pa ang record-breaking performance ni Ernest John Obiena sa tinalon na 5.55m sa men’s pole vault ang delegasyon ng Pilipinas na sumabak sa 78th Singapore Open Track and Field Championships sa National Stadium sa Kallang, Singapore.

Huling nagdagdag ng tansong medalya ang nakababatang kapatid ni Obiena na si Emily Jeane sa pagtatapos ng dalawang araw na torneo na nagsisilbing Olympic qualifying at performance exposure ng mga pambansang atleta na nagnanais makasama sa 2016 Rio de Janeiro Summer Olympic Games at 2017 Malaysia Southeast Asian Games.

Pumangatlo lamang si Obiena sa women’s pole vault sa pagtala ng 3.40 metro sa likuran nina Jelita Nara Idea ng Indonesia na may 3.75m sa ginto at Rachel Isabel Yang ng Singapore na umukit ng 3.60m para sa pilak.

Bagaman national record ay kapos naman ang itinala ni EJ Obiena na 5:55 metro para sa qualifying standard upang makatuntong at makasama sa delegasyon ng Pilipinas sa kada apat na taong Olimpiada.

Tinabunan ni Obiena ang competition record na 5.40m na itinala noong August 16, 1992 ni Toshiyuki Hashioka ng Japan at ang National record na 5.01m noong March 16, 2014 ni Sean Lim Zi Qing.

Ang mga nagwagi ng ginto ay sina SEA Games champion Christopher Ulboc Jr. sa men’s 3,000 steeplechase, Edgardo Alejan Jr. sa men’s 400m dash, Mervin Guarte sa men’s 1,500m run at Rosie Villarito sa women’s javelin throw.

Nagwagi rin ng pilak sina four-time SEA Games titlist Marestella Torres sa women’s long jump at Julian Reem Fuentes sa men’s long jump habang ang isa pang tanso ay mula kay Melvin Calano sa men’s javelin throw.

Tinalon ni Torres ang layong 6.40m na malayo sa kanyang personal best at SEA Games record na 6.71m.

Read more...