Rain or Shine Elasto Painters pasok sa PBA Commissioner’s Cup Finals

Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
7 p.m. Meralco vs Alaska
(Game 4, best-of-five semis)

NAISAKATUPARAN ng Rain or Shine Elasto Painters ang naudlot na hangarin matapos nitong patalsikin ang San Miguel Beermen sa Game 4 ng kanilang best-of-five semifinals series, 124-99, para makausad sa 2016 Oppo PBA Commissioner’s Cup Finals sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City kahapon.

Umiskor si Paul Lee ng 18 puntos para pangunahan ang Rain or Shine na tinapos ang kanilang serye, 3-1.

Tumira si Lee ng 6-of-9 mula sa field at nagbigay ng limang assists sa 24 minutong paglalaro.

Si Pierre Henderson-Niles ay nagdagdag ng double-double sa itinalang 15 puntos at 14 rebounds para sa Elasto Painters, na makakaharap ang magwawagi sa pagitan ng No. 2 seed Meralco Bolts at Alaska Aces.

Nag-ambag naman sa balanseng opensa ng Rain or Shine sina Gabe Norwood, Chris Tiu, Jericho Cruz  at Raymond Almazan ng 15, 13, 12 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod.

“I’d like to give credit to Paul Lee, whose game is really coming back,” sabi ni Rain or Shine head coach Yeng Guiao.

Ang nagbabalik na import na si Arizona Reid, na pinalitan si Tyler Wilkerson, ay gumawa ng game-high 25 puntos at 17 rebounds para sa Beermen.

Nagdagdag naman si Marcio Lassiter ng 20 puntos habang sina Alex Cabagnot at June Mar Fajardo ay may 18 at 12 puntos para sa San Miguel Beer.

Samantala, pipilitin ng Alaska na tuluyang patalsikin ang Meralco sa Game 4 ng kanilang semis series ngayong alas-7 ng gabi sa Araneta Coliseum.

Galing ang Aces sa 92-72 tambakang panalo kontra Bolts noong Biyernes para makuha ang 2-1 bentahe sa kanilang serye.

Tatangkain naman ng Meralco na magwagi ngayon para makapuwersa ng do-or-die Game 5.

Read more...