Marestella Torres sasabak sa ikatlong Olympic Games

NAKAMIT ni Marestella Torres ang bihirang ikatlong pagkakataon na makalaro at mapatunayan na kaya nitong makagawa ng kasaysayan para sa Pilipinas sa Olimpiada.

Ito ay matapos irekomenda ng Philippine Athletics Track and Field Association (Patafa) bilang parte sa konsepto ng universality na maging representante sa kababaihan ang Southeast Asian Games at national women’s long jump record holder na si Torres para makalahok sa 2016 Rio de Janeiro Olympic Games.

Sinabi mismo ni Patafa president Philip Ella Juico ang pagrerekomenda sa 33-anyos na si Torres sa insentibo na maging kapareha na babaeng lahok sa programa ng Olimpiada na universality placing scheme katapat naman ng 400m hurdles specialist na si Eric Shauwn Cray.

Ikatlong pagkakataon ni Torres na makakapaglaro sa Olimpiada matapos makasama noon sa 2008 Beijing at 2012 London Olympics.

Ito ay kahit patuloy na pinagdududahan kung kuwalipikado o maaari pang maalis sa listahan ang Fil-Am hurdler na si Cray matapos na maabot ang Olympic qualifying standard dahil sa patuloy na kawalan ng opisyal na sertipikasyon hinggil sa estado nito mula sa internasyonal nitong asosasyon na International Association of Athletics Federations (IAAF).

Una nang sinabi ni Team Philippines Rio Olympics chef de mission at Philippine Olympic Committee (POC) first vice-president Joey Romasanta na base sa kanilang hawak na dokumento ay tanging ang table tennis player na si Ian Lariba pa lamang ang kuwalipikado sa kada apat na taong torneo na gaganapin sa Agosto 5 hanggang 21.

“Sumulat pa kami sa internasyonal na pederasyon ng ilan nating atleta dahil hindi maliwanag sa atin kung ano ang ibig sabihan ng termino nilang quota places, pinapa-clarify natin kung pasok na ba o hihintayin pa na matapos ang lahat ng qualifying event bago malaman kung talagang qualify na sila,” sabi ni Romasanta.

Maliban kay Lariba, ang iba pang pambansang atleta na pinadalhan ng notipikasyon ng kanilang mga internasyonal na asosasyon ay ang mga boxers na sina Rogen Ladon at Charly Suarez pati na si Kirstie Elaine Alora mula naman sa taekwondo.

Nakatakda naman ilabas ng IAAF ang mga pangalan ng bawat kalahok kada event sa sport na athletics alinman sa araw ng Hulyo 12 hanggang 14 kung saan umaasa ang Patafa na makakasama ang pangalan ni Cray.

Matatandaang pinakaunang naiulat ang pagkuwalipika ni Cray bilang unang Pilipino na nakapasok sa Olimpiada matapos itala ang 49.12 segundo sa pagwawagi nito sa ginanap na Cayman Invitational noong Mayo 2015 sa George Town, Cayman Islands.

Read more...