Winner-take-all UAAP Season 78 women’s volleyball finals hahataw ngayon

Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
3:30 p.m. Ateneo vs La Salle
(Game 3, best-of-three finals)

ISA lamang sa nagtatanggol na kampeong Ateneo de Manila University at De La Salle University ang maaabot ang hangarin sa pagsasagupa sa ikatlo at huling laban ngayong hapon para sa korona ng UAAP Season 78 women’s volleyball tournament sa Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.

Ganap na alas-3:30 ng hapon ay pilit aabutin ng Ateneo Lady Eagles na makamit ang ikatlong sunod na titulo habang pilit naman babawiin ng La Salle Lady Spikers ang korona na walong beses nitong inuwi kabilang ang tatlong sunod na season bago ang dalawang sunod na taong kabiguan.

Ang kani-kanilang masidhing hangarin ang inaasahang magpapainit sa una nang matinding pagiging magkaribal ng dalawang unibersidad matapos na magtabla sa best-of-three na kampeonato sa tig-isang panalo.

Itinabla ng Lady Eagles ang kanilang serye sa tig-1 panalo matapos na itakas ang limang set na panalo, 18-25, 26-28, 25-17, 25-16, 15-11, sa Game Two noong Miyerkules.

Sinandigan ng Ateneo ang tinanghal na three-time Most Valuable Player na si Alyssa Valdez matapos na tila mangapa at mapahirapan ang Lady Eagles sa una at ikalawang set ng krusyal na Game Two.

Matapos mabitawan ang 24-20 na abante sa ikalawang set at malasap ang 26-28 na kabiguan, unti-unting naging dominante ang Lady Eagles sa ikatlong set na huling nagtabla sa 6-all bago nito inihulog ang pitong sunod na puntos para sa 13-6 abante tungo sa pagtala sa una nitong set na panalo sa serye.

Tila magkukulapso pa ang Lady Eagles matapos itala ang 22-15 abante sa ikatlong set nang makahabol ang Lady Spikers sa 17-23 bago na lamang ang service error at ang tila punyal na pagpalo ni Therese Marie Marguerette Gaston para sa kanyang tanging puntos na pumigil sa asam ng La Salle na iuwi ang kampeonato.

Inulit muli ng Lady Eagles ang taktika sa ikaapat na set ng laro na pinanood ng kabuuang 20,126 katao sa loob ng isang oras at 56 minuto hanggang sa ikalimang yugto upang asamin ngayon ang ikatlong sunod nitong korona sa pagtuntong sa kampeonato sa nakalipas na tatlong taon.

Matapos na magtala ng 17 puntos sa Game One ay umiskor ng 34 puntos si Valdez upang pangunahan ang Lady Eagles.

Nag-ambag din si Jhoana Louisse Maraguinot ng 15 puntos habang si Isabel Beatriz De Leon ay may 12. May siyam na puntos si Rongomaipapa Amy Ahomiro habang may apat na puntos din si Julia Melissa Morado.

Namuno para sa La Salle si Kim Kianna Dy na may 16 puntos kasunod si Mika Aereen Reyes na may 14. May 12 puntos si Victonara Galang habang may 10 naman si Cydthealee Demecillo.

Si Kim Fajardo ay may 7 puntos.

Read more...