Naniniwala ang members ng third sex na malaki ang maitutulong ng mag-asawang Korina Sanchez at Mar Roxas sa pagbibigay proteksiyon at pagpapalahaga sa LGBT community sa bansa.
Kamakailan ay nagtipun-tipon ang ilang malalaking grupo ng LGBT sa pamumuno nina Bemz Benedito ng Ang Ladlad, Rica Paras na nakilala sa Pinoy Big Brother Double Up, ang respetadong fashion designer na si Mama Renee Salud, at ng kauna-unahang Pinoy transwoman na tumatakbong congresswoman ng Bataan na si Geraldine Roman para ideklara ang kanilang suporta sa mister ng number one LGBT supporter na si Korina.
Ito’y bahagi pa rin ng kanilang pagpapasalamat sa suportang ipinakita ni Mar sa mga beki at tibo sa pamamagitan ng pagsusulong sa pantay na karapatan ng LGBT members.
Ayon kay Roxas, ibibigay niya ang kanyang buong suporta sa bawat mamamayang Pilipino, kasama na siyempre dito ang LGBT community, “Dapat tamasahin ng bawat Pilipino ang lahat ng kanilang mga karapatan sa ilalim ng batas ano man ang kanilang etnisidad, relihiyon, sexual orientation, at gender identity,” anito.
Ayon kina Mama Renee, sana raw ay patuloy na isulong ni Mar ang Anti-Discrimination Bill. Matagal nang nakatengga sa Kongreso ang panukalang batas na ito mula ng ito ay nai-file noong 1998. Gagawing krimen ng ADB ang mag-discriminate at mag-oppress ng sinumang miyembro ng LGBT sa trabaho, eskuwelahan, sa pag-proseso at pagbibigay ng mga professional license para sa trabaho at mga negosyo.
Sa ngayon hindi pa sakop ng ADB ang same sex marriage ngunit isa sa mga layunin ng mister ni Korina ay maipatupad ang civil union para sa mga miyembro ng LGBT na may long-standing at committed na relasyon sa isa’t isa. Kikilalanin ito bilang legal na arrangement tulad ng kasal na hindi kinakailangan ng isang seremonya sa loob ng simbahan.
Dito, magkakaroon ang LGBT couples ng proteksyon sa ilalim ng batas pagdating sa kanilang property rights, next-of-kin rights, insurance, at iba pang legal rights na tinatamasa ng heterosexual couples.
Bagamat hindi nakapunta sa nasabing event ang King Of Talk na si Boy Abunda, nagpadala naman ito ng mensahe kay Bmez Benedito. Ani Boy, “Ibinabato ko po ang buong suporta at boto ko kay Mar Roxas. I appreciate his respect to the LGBT community. Ang aking suporta ay buo dahil malapit sa puso niya ang LGBT.”