MEDYO kulang sa asim ang ginanap na Pilipinas Debates nu’ng Linggo nang gabi para sa mga tumatakbo sa panguluhan. Ang COMELEC sa pakikipag-ugnayan sa ABS-CBN ang nagbalangkas ng pinakahuling debate bago ganapin ang eleksiyon.
Meron pa rin namang anghang ang mga litanya ng mga kandidato pero kung ikukumpara ‘yun sa ikalawang debate na ang TV5 ang nagtimon ay talagang malabnaw ang kulay ng pinakahuli.
Bukod sa paghahamunan at pagpapatutsadahan nina Mayor Rodrigo Duterte at Secretary Mar Roxas ay kumportable ang mga kandidato, malamya ang kanilang mga atake, nakaabang pa naman ang nakararaming Pinoy na magiging “madugo” ang debate dahil ‘yun na ang pinakahuli nilang salpukan sa harap ng mga botante.
Maraming nagkagusto sa posisyon nina Senadora Grace Poe at Secretary Mar Roxas, hindi kasi nagpakita ng pagkapikon ang manok ng Liberal Party, habang nananatili ang makabuluhan at suwabeng pagsagot ni SGP sa mga ibinabatong tanong sa kanya.
Sabi ng kaibigan naming propesor, “Markado na talaga ang pagiging marespeto sa pagsagot ni Senadora Grace. Pero hindi lang siya marespetong magsalita, may marka ang mga sinasabi niya, matalino talaga ang senadora at may sincerity ang mga sinasabi niya,” papuri ng propesor kay SGP.
Mula ngayon ay labingtatlong araw na lang ang ating hihintayin at isusulat na ng sambayanang Pinoy na may karapatang bumoto kung sino ang napupusuan nilang ihalal sa pinakamataas na posisyon sa ating bayan.
Malapit na malapit na ang “paghuhukom,” malalaman na natin kung sino ang magiging bagong presidente ng Pilipinas, good luck na lang sa ating lahat.