Malaking kawalan ng hustisya

NAKABALIK na sa serbisyo si Supt. Angelo Germinal, ang pulis-Makati na walang awang pumatay ng 13-anyos na magbabasura noong 2011 at itinawalag sa serbisyo sa krimen.
Ang masakit pa nito, na-promote pa ang mokong!

Deputy chief for operations ng Makati Police na si Germinal; ang kanyang dating posisyon nang pinatay niya ang kawawang bata ay chief ng police community precinct ng Makati .

Noong May 9, 2011, si Christian Serrano ay naghahanap ng makakalakal sa isang abandonadong gusali sa Makati City nang mapadaan si Germinal at isa pang pulis sakay ng isang patrol car.
Kinuha ng opisyal ng pulis ang kanyang .22 caliber rifle (hindi ito official issue sa mga pulis) sa likod ng compartment ng patrol car.

Kinasa ni Germinal ang bolt-action rifle at itinutok kay Serrano na walang kaalam-alam na nakaumang ang baril sa kanya.

Pinaputok ng pulis ang riple namatay ang bata doon din.

Parang bumaril lang si Germinal ng isang asong gala.

Dahil sa kanyang ginawa ay itiniwalag si Germinal ng National Police Commission o Napolcom.

Ang aking public service program, Isumbong mo kay Tulfo, ang siyang tumulong sa pamilya ni Serrano na mapadali ang pagdinig ng administrative case ni Germinal.

Dumulog kasi ang pamilya ng biktima sa akin dahil sa matagal na pag-usad ng kaso.

Ang pamilya ng biktima ay mga squatters.

Natuwa siyempre ang pamilya at ang inyong lingkod sa pagkakatanggal ni Germinal sa serbisyo.

Pero nang malingat ako ay nakabalik ang p**** pulis sa serbisyo.

Ang paliwanag ng Napolcom ay ibinalik muna siya sa serbisyo dahil inapela ni Germinal ang kanyang kaso.

That is outrageous!
Kung inapela niya ang kanyang pagkakatiwalag, dapat ay nasa labas muna siya hangga’t hindi ibinalik habang on appeal ang kanyang kaso.

Ang masakit pa rin nito ay na-promote pa sa ranggo si Germinal: from chief inspector, siya’y superintendent na ngayon.

Chief Inspector kasi siya nang pinatay niya ng walang awa ang batang si Christian.

Marami na akong naririnig tungkol sa pagkakabalik sa serbisyo ng mga pulis na nadismis, pero ang kaso ni Germinal ay kakaiba.

Ang Napolcom kasi ay nasusuhulan diumano.

Parang may agimat itong si Germinal.

Pinayagan siyang makapag-piyansa ng Napolcom samantalang ang murder, na isinampa sa kanya, ay non-bailable.

Ang estupidong judge na nagdinig ng kanyang petition for bail ay pinakawalan siya sa kulungan.

Dahil sa pagpayag ng korte na siya’y makapagpiyansa, ang kaso ni Germinal ay humina.

Dumulog ang ina ni Christian na si Salvacion Serrano dahil nangangamba siya na baka ma-whitewash ang kaso dahil sa pakiusap ng dating Mayor Junjun Binay na makipag-areglo na lang sila kay Germinal.

Ayaw nilang makipag-areglo sa pulis. Gusto nila ng hustisya sa bata.

“Batambata ang anak ko upang mamatay. Wala siyang ginawang kasalanan. Siya’y nangangalakal lamang nang siya’y barilin ni Germinal,” ani Aling Salvacion.

Suspetsa ko na dahil ayaw makipag-areglo ng mga Serrano kay Germinal ay gumawa ng paraan ang isang maimpluwensiyang tao na makausap ang mga huwes.

Karamihan sa mga huwes sa Makati ay nababayaran.

Read more...