SA simula ng 41st season ng Philippine Basketball Association (PBA) ay maraming fans ng Star Hotshots ang nagparating ng kanilang protesta sa Facebook hinggil sa pag-alis sa kanilang koponan ng coach na si Tim Cone at paglipat nito sa Barangay Ginebra.
Ito ay sa kabila ng pangyayaring nabigo si Cone na maihatid ang Hotshots sa Finals ng alinman sa tatlong conferences ng nagdaang season. Nabigo ang Hotshots na maidepensa ang isa man sa tatlong kampeonatong napanalunan nila sa 39th season.
Siyempre, nagprotesta ang ilan na isang baguhan ang ihahalili kay Cone. Kasi nga, ang dating sportscaster na si Jason Webb ang ninombrahang bagong coach ng Hotshots.
E kung tutuusin ay apat na conferences lang na naging assistant ni Cone si Webb. Isa lang sa apat na conferences na ito siya naging bahagi ng kampeonato at ito ay ‘yung sa dulo ng 39th season nang palitan niya si Jeffrey Cariaso na inilipat sa Barangay Ginebra.
Baka raw imbes na gumanda ang takbo ng Hotshots ay lalo itong sumama!
Well, may katwirang mangamba ang mga fans.
At ang pangambang ito ay nagkatotoo sa Philippine Cup kung saan nahirapan ang Star na makarating sa quarterfinals. Nang makapasok sila ay wala ring nangyari dahil maaga silang nagbakasyon.
Pero kung ikukumpara kay Cone at sa bago nitong koponang Barangay Ginebra, aba’y parehas lang naman ang nangyari. Natalo ang Gin Kings sa Globalport sa quarterfinals at hindi nakaabot sa semis.
So, tabla lang sina Webb at Cone, hindi ba?
Hanggang sa kasalukuyang Commissioner’s Cup ay parehas din sina Webb at Cone. Parehong hindi umabot sa semis ang Gin Kings at Hotshots.
Pero heto ang maganda para kay Webb. Hindi tulad ng nangyari sa Gin Kings ang naganap sa Hotshots.
Ang Gin Kings kasi ay nakalaban ng Rain or Shine sa best-of-three quarterfinals at nawalis sila ng Elasto Painters, 2-0.
Ang Hotshots ay pumasok sa quarterfinals bilang No. 8 seed at nakalaban ang No. 1 seed San Miguel Beer na may twice-to-beat advantage.
Aba’y akalain mong muntik nang masilat ng Hotshots ang Beermen. Nagwagi sila sa Game One upang makapuwersa ng sudden-death. At sa Game Two ay nakalamang pa sila ng sampung puntos. Nagtabla ang score sa 99-all papasok sa huling minuto. Pero nanalo ang Beermen, 103-99.
Alin ngayon ang mas magandang performance?
Hindi ba dapat na matuwa ang mga fans ng Star at magaling din naman ang kanilang coach?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.