Buntis, 1 pa patay sa pag-araro ng bus sa Commonwealth


Dalawa katao, kabilang ang isang buntis, ang nasawi sa banggaan ng isang pampasaherong bus at UV Express sa tinaguriang killer highway ng Quezon City.
Nasawi ang anim na buwang buntis na si Kristine Joy San Felipe at isang hindi nakilalang lalaki.
Labingdalawang iba pa ang sugatan sa aksidente at nagtamo ng iba’t ibang pinsala sa ulo at katawan.
Kasong reckless imprudence resulting to double homicide and physical injury ang isasampa sa driver na si Mark Acedera. Sinabi niya na nawalan ng preno ng bus.
Naghihintay ng masasakyan ang mga biktima ng mabangga sila ng A. Prado Bus (UVP 265) matapos itong sumalpok sa isang UV Express sa Commonwealth Ave., malapit sa kanto ng Mindanao Ave., sa Fairview alas-6:30 ng umaga.
Tinangkang iligtas ng mga doktor ang sanggol sa sinapupunan ni San Felipe subalit nabigo sila.
Agad namang sinuspendi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang prangkisa ng Martel Bus Company na siyang nagmamay-ari sa bus. Tatagal ang suspensyon ng 30 araw.
Ang lahat ng bus ng kompanya ay sasailalim sa Road Worthiness Inspection at sasailalim sa seminar ang lahat ng kanilang mga driver.

Read more...